Ang posisyon ng Philhealth CEO | Bandera

Ang posisyon ng Philhealth CEO

Atty. Rudolf Philip B. Jurado - September 03, 2020 - 08:00 AM

Nagbitiw na ang presidente at chief executive officer (CEO) ng Philhealth at agad naman naghirang (appoint) ang Pangulo ng kapalit nito upang mamuno sa kontrobersyal na ahensya.

May mga alituntunin na tinakda ang batas patungkol sa paghirang ng presidente/ CEO ng Philhealth at ang hindi pagsunod o paglabag dito ay maaaring makaapekto sa validity ng appointment ng bagong hinirang na presidente/CEO.

Bago mahirang bilang presidente/CEO ng Philhealth, ang ihihirang ay dapat miyembro ng Board of Trustees ng Philhealth. Hindi maaaring diretsong ihirang bilang presidente/CEO ng Philhealth. Dapat ihirang muna bilang Board member ng Philhealth.

Para maging Board member ng Philhealth, kakailanganin munang dumaan sa mga proseso at alituntunin na tinakda ng batas (RA 10149) gaya ng screening, selection at mapabilang sa shortist ng Governance Commission for Government Owned or – Controlled Corporations (GCG)

Ang Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations (GCG) ay isang ahensya ng gobyerno na nilikha noong 2011 sa bisa ng RA No. 10149.

Ilan sa mga kapangyarihan at obligasyon na pinagkaloob at tinakda ng RA No. 10149 sa GCG ay suriin at tiyakin na ang hihirangin at uupo bilang miyembro ng board of directors/trustees ng mga GOCCs, kasama ang Philhealth, ay may tamang qualifications at kaalaman. Obligasyon ng GCG na tiyakin na may sapat na experience, educational training, competence at integridad ang mga mahihirang at uupo bilang board of directors/trustees.

Para malaman ng GCG kung ang hihirangin o ang uupo bilang miyembro ng board of trustees ng Philhealth (o anumang GOCCs) ay may sapat na qualifications/ requirements na tinakda ng batas, gaya ng experience at educational attainment, ang GCG ay nagsasagawa ng personal interviews at iba pa, para malaman at matiyak kung ang hihirangin ay qualified ayon sa batas at karapat dapat mahirang at umupo bilang isa sa board of trustees ng Philhealth.

Kung kumbinsido ang GCG na ang hihirangin ay may sapat na kakayanan at nagtataglay lahat ng qualifications na inatas ng batas, isasama ang hihirangin bilang isa sa mga nominees sa shortlist na ipapadala sa Pangulo/Malacanang.

Ayon sa Section 15 ng RA No. 10149, ang Pangulo ay hihirang (appoint) ng Board of Directors/Trustees ng GOCCs, kasama ang Philhealth, mula doon sa shortlist na ginawa ng GCG. Ang shortlist ay listahan ng mga nominees na dumaan sa pagsusuri ng GCG at maituturing na may sapat na kakayanan at qualifications. Kung sakali naman walang napili ang Pangulo doon sa mga nominees na nasa shortlist, maaari naman hilingin ng Pangulo na magpadala ng additional nominees ang GCG.

Klaro sa nasabing batas na ang Pangulo ay makakahirang (appoint) lamang ng mga miyembro ng Board of Trustees ng Philhealth (at ng mga iba’t ibang GOCCs) kung sila ay kasama sa shortlist o listahan na ginagawa at nagmula sa GCG. Kung wala sa shortlist, hindi sila pupwedeng ihirang ng Pangulo bilang miyembro ng Board of Trustees ng Philhealth. Mas lalo naman magiging depektibo ang paghirang o appointment kung sila ay ihirangin ng Pangulo maski hindi sila nasuri at dumaan sa GCG at walang shortlist na pinagpilian ang Pangulo.

Ang pagtalaga at pagpili ng chief executive officer (President/ General Manager/Administrator) ng mga GOCCs ay nasa kapangyarihan naman ng Board of Directors/Trustees ng mga GOCCs. Ito ay ayon na din sa Section 19 ng RA No. 10149 kung saan binigyan ng kapangyarihan ang governing board (Board of Directors/Trustees) ng mga GOCCs na mamile sino man sa miyembro ng Board na magiging presidente at CEO. Ang batas na ito ay tila hindi naman nasusunod dahil karamihan sa mga board members ng mga GOCCs ay sumusunod lang sa kumpas ng Malacanang kung sino ang kanilang hihirangin bilang presidente at CEO.

Noong February 20, 2019, naisabatas ang RA No. 11223 (Universal Health Care Act). Kinilala sa batas na ito ang kapangyarihan ng GCC na magsagawa ng nomination at selection process para sa mga appointive members ng Board of Trustees ng Philhealth. Ang ibig sabihin nito, lahat ng appointment ng mga board of trustees ng Philhealth ay dadaan pa din sa proseso na pinatutupad ng GCG. Kasama dito ang proseso na dapat nasa listahan ang mga nominees o nasa shortlist sila ng GCG para sila ay mahirang bilang Board member. Pag wala sa shortlist, hindi pupwedeng mahirang. Bago mahirang bilang Board member ng Philhealth kailangan dumaan sa GCG. Kailangan makita at nakumbinse ang GCG na ang nominee ay may sapat na qualifications at kaalaman para magsilbi bilang board member ng PHilhealth.

Binago naman ng RA No. 11223 ang paghirang ng presidente/CEO ng Philhealth. Kung dati ay pinipili ng Board of Trustees ng Philhealth kung sino sa kanila ang gaganap na president/CEO, ngayon ang presidente/ CEO ng Philhealth ay hinihirang ng Pangulo. Ngunit ang paghirang ng presidente/CEO ng Philhealth ay limitado lang sa irerekomenda ng Board of Trustees ng Philhealth. Ibig sabihin, yung irerekomenda lang ng Board of Trustees ang pwedeng ihirang ng Pangulo bilang presidente/CEO ng Philhealth. At ang tanging pwedeng irekomenda naman ng Board of Trustees ng Philhealth na maging presidente/CEO ay limitado din sa miyembro ng Board na dapat ay nagtataglay ng pitong (7) taon na karanasan sa larangan ng public health, management, finance at health economics.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya bago mahirang bilang presidente/CEO ng Philhealth, kailangan ang hihirangin ay dumaan muna sa GCG, naisama sa shortlist bilang nominee para sa pagka Board member ng Philhealth at kung saan namile at naging basehan ng paghirang ng Pangulo. Dapat din na ito ay nirekomenda ng Board of Trustees ng Philhealth na maging presdente/CEO ng Philhealth sa Pangulo. At siyempre,ito ay dapat may pitong (7) taong karanasan sa larangan ng public health, management, finance, at health economics.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending