Anjo, Kitkat bibida sa bagong noontime show, itatapat sa Eat Bulaga
‘’OMG! DIZIZIT! After 5 months and 7 days na hindi lumabas kahit sa garahe! Eto na!
“But, binigay ni Papa God sa akin to kaya I’m sure poprotektahan NYA ako and syempre praning ingat pa din. DO UR BEST AND GOD WILL DO THE REST ika nga!’’
Iyan ang post ng komedyanang si Kitkat Favia sa kanyang Facebook page.
Worth it nga ang paglabas niya pagkalipas ng ilang buwan dahil may bago siyang programa sa Net 25, Eagle Broadcasting Corporation kasama si Anjo Yllana.
Kuwento ni Kitkat nang makatsikahan namin pagdating niya ng bahay galing sa contract signing niya sa EBC compound, good news ang hatid ng muli niyang paglabas.
‘’Mayroon na po akong noontime show kasama si Anjo sa Net 25, makakatapat namin ang Eat Bulaga, ako rin ang kakanta ng theme song,” bungad na kuwento ni Kat sa amin.
Ang bilis daw ng mga pangyayari dahil kailan lang nang makipag-meeting si Kitkat kasama ang nagrekomenda sa kanya sa Eagle Broadcasting na si Betchay Vifanes na magsisilbing manager niya sa lahat ng projects na gagawin niya sa nasabing network at commercials.
Star Magic talent si Kitkat pero hindi siya naka-exclusive kaya malaya siyang nakakapag-guest sa GMA 7 at soon pati sa TV5.
Going back sa bagong show ay gusto na raw ng Net 25, Eagle Broadcasting ng Iglesia Ni Cristo, na mag-start na siya agad.
“Gusto nga nila magsimula na agad, e, siyempre hindi pa naman sila ganu’n kabihasa agad kaya dapat mag-dry run muna. Siguro mga September pa, depende pa sa interactions sa tao, ‘yung mga games pa, siguro pinaka-late na ang October (eere),” kuwento ni Kitkat.
Sabi namin na kakayanin ba nila ni Anjo na silang dalawa lang ang host ng isang oras at kalahating show na may mga kasamang games pa.
‘’Kaya, bakit naman ang Minute to Win It, mag-isa lang naman din (Luis Manzano). May guest co-host daw parati lalo na ‘yung home grown talents ng Eagle like sina ate Gladys Reyes,’’ sabi pa niya.
Sobrang overwhelmed pa si Kitkat kaya hindi niya matandaan kung sino ang direktor at writer ng show niya na hindi pa raw puwedeng banggitin ang titulo pero ang nakalagay sa teaser ay “Happy-ness Everyday.”
‘’Basta alam ko nagdidirek siya sa Wowowin tapos ang creative manager asawa ni Emerald Suarez ng ABS-CBN (isa sa producer ng mga programa ng Dreamscape Entertainment). Tapos isang direktor si Jemster, hindi rin naman mga iba.
“Kinakabahan ako pag sarili kong show. Tapos sabi nila sana tumagal daw tulad ng Eat Bulaga, ang kontratang pinirmahan ko nga walang expiration, forever daw. Okay ang health protocols doon, mahigpit sila kaya safe naman. May sarili akong dressing room,’’ kuwento pa ng komedyana.
Nabanggit na Lunes hanggang Biyernes ang noontime show nina Kitkat at Anjo at tatlong araw na taping at dalawang live para magamay nila.
Sakto nga raw ang pagkakaroon ng bagong programa ni Kitkat, “Super thankful ako kasi lahat ng negosyo namin ngayon nagsara, ‘yung carwash, ‘yung restaurant sa Metrowalk, tuna delivery. Imagine puro sarado na dahil sa COVID-19 pandemic, pati ‘yung school service ng magulang ko wala rin kasi wala namang papasok sa school, lahat online class.”
Natawang sabi pa ng aktres, “Sabi nga ni Ka Jun puwede kami mag-advance, sabi ko puwede, pambayad ng Meralco. Ha-hahaha!”
Samantala, nabanggit din ni Kitkat na malaki ang naitulong ng pagla-live niya sa Kumu at pagti-Tiktok dahil dagdag panggastos din nila ito sa araw-araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.