Melai sa mga boss ng ABS-CBN: Binastos man kayo, nanatili pa rin kayong mabubuti at marangal
MAY munting pa-tribute ang TV host-comedienne na si Melai Cantiveros para sa mga bossing ng ABS-CBN.
Idinaan ng komedyana sa kanyang Instagram account ang mensahe ng pasasalamat sa mga may-ari at iba pang executives ng Kapamilya Network na nakipaglaban para sa mahigit 11,000 empleyado ng istasyon.
Nabanggit ni Melai na abot-langit ang pagrespeto at paghanga niya sa mga ito dahil sa kabila ng panghihiya at pambabastos sa kanila sa mahigit 10 hearing sa Kongreso ay naging kalmado at mahinahon pa rin sila sa pagharap sa madlang pipol.
“Maraming salamat po sa aming mga bosses na naging boses namin sa pakikipaglaban sa pag-renew ng aming franchise.
“Di kami magsasawa na magpasalamat sa inyo. Binastos man kayo, nanatili kayong mabubuti at marangal. Ngayon ko naintindihan bakit kayo naging boss namin,” pahayag ni Melai.
Napa-throwback din ang “Magandang Buhay” host sa kanyang IG post kung saan inalala niya ang kabaitan at pagiging totoong tao ni Gabby Lopez mula pa noong manalo siya sa Pinoy Big Brother.
“Naalala ko nung kapapanalo namin sa PBB. After namin manalo sabi ni Sir Gabby na di namin makakalimutan mag-asawa, ‘Jason, Melai sabihin niyo lang sa akin kung may problema kayo ha?
“Ako bahala sa inyo, okay? Enjoy kayo being Kapamilya,'” aniya pa.
Dugtong pa niya, “Sobraaa, naramdaman agad namin noon na Kapamilya kami at may-ari pa ng ABS ang kumausap sa amin na ganon. Napatunayan ko na mabait talaga mga boss namin.
“So much respect po sa inyo, patuloy ang aming dasal at pananalig na mababalik natin ito. Mahal namin kayo,” mensahe pa ni Melai.
Samantala, nagkomento rin ang komedyana sa balitang pagdo-donate ng ABS-CBN ng mga tent and shower van sa Manila International Airport Authority (MIAA) para magamit ng mga na-stranded na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
“Pagising mo ito agad bumungad na balita sa’yo (pertaining to the MIAA donations), napaka selfless.
“Salamat sa aming Kapamilya network lalo na sa aming mga boss sa @abscbn na patuloy ang #intheserviceofthefilipino kahit may pinagdadanan. Mabuhay kayo,” caption ni Melai sa ni-repost na news item.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.