Parak na dating nang nahuli sa sugal huli ulit sa tupada
ARESTADO ang isang pulis, na dati nang nahuli dahil sa iligal na sugal, nang maaktuhang nakikilahok sa “tigbakay” o tupada, sa Cebu City, kahapon.
Nadakip si SSgt. Charlito Tinoy sa Sitio Sudlon, Brgy. Lahug, dakong alas-2:30, sabi ni Brig. Gen. Ronald Lee, direktor ng Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Si Tinoy ay kasalukuyang nakatalaga sa Regional Personnel Holding Accounting Section ng Central Visayas police matapos maaresto para sa pagkasangkot sa isang uri ng illegal numbers game noon lang Marso.
“[He] was arrested while actually manning, betting in the illegal cockfighting game in Sudlon,” ani Lee.
Ayon sa opisyal, isinagawa ang operasyon matapos ireklamo ng mga residente ang pagsasagawa ng iligal na sabong sa isang compound doon.
Kasama ni Tinoy na nadakip ang tatlo pang sibilyang nakikilahok sa iligal na sabong.
Nakuhaan sila ng mga manok na panabong, sari-saring paraphernalia kabilang ang mga “tari,” at mga perang taya.
Bukod sa pagsasagawa ng iligal na sabong, na-monitor din ang mga taong pumapasok sa compound na madalas lumalabag sa quarantine protocols kontra COVID-19, gaya ng physical distancing at pagsusuot ng face mask, ani Lee.
Dinala sina Tinoy sa tanggapan ng IMEG Visayas Field Unit para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (John Roson)
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.