Baldwin pinagmulta ng P75k, sinuspindi ng 3 laro ng PBA
HINDI pinalagpas ng Philippine Basketball Association (PBA) ang naging komento ni Tab Baldwin tungkol sa liga.
Ito ay matapos na patawan ng PBA Commissioner’s Office si Baldwin ng P75,000 multa at tatlong larong suspensyon nitong Martes dahil sa mga komento laban sa liga..
Ipinataw ni PBA Commissioner Willie Marcial ang nasabing parusa matapos marinig ang panig ni Baldwin, na hiniling na makausap ang PBA chief para maklaro ang nasabing isyu.
Humantong sa kontrobersya ang naging komento ng New Zealander-American coach sa isinagawang Coaches Unfiltered podcast nitong nakaraang linggo.
Ikinagalit ng ilang PBA coaches at opisyales ang sinabi ni Baldwin patungkol sa unang play-for-pay league sa Asya at sa estilo ng coaching ng ilang local coaches.
Sinabi ng PBA na ang kanyang komento ay nakasasama sa liga.
Humingi naman ng paumanhin si Baldwin kay Marcial sa kontrobersyang naging bunga ng kanyang komento.
“I feel bad that has happened but that is not my intention,” sabi ng dating Gilas Pilipinas head coach at mentor ng Ateneo Blue Eagles.
Sinabi ni Baldwin na ang kanyang pahayag ay sagot sa tanong na “what surprised me when I first came to the Philippines.”
Sa nasabing podcast, pinuna ng TNT KaTropa assistant coach ang format ng PBA kung saan sinabi nito na ang single import conference ay isang “big mistake.”
Binanggit din niya na ang mga import ay may bentahe sa tawag ng mga game officials at ang ilang PBA coaches ay ‘tactically immature’.
Sinabi naman ni Baldwin na mali ang pagkakasulat tungkol sa kanyang mga komento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.