Dangal ibalik sa PUV drivers; e-cash aid madaliin
KUNG gusto talagang tulungan ng pamahalaan ang mga driver ng public utility vehicles (PUV), dapat nitong bilisan ang pamimigay ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa ganoong paraan, para kay Sen. Grace Poe, maibabalik ang dignidad ng mga tsuper na karamihan ay namamalimos na sa lansangan upang may maipakain sa kanilang pamilya.
Mabagal ang pangakong pamimigay ng ikalawang buhos ng cash aid sa pamamagitan ng electronic disbursement kaya hanggang ngayon ay nanatiling gutom ang mga driver ng jeep at bus.
At para sa senadora, hindi makatarungan ang mabagal na distribusyon ng ayuda sa mga ito. “No more lives should be put in peril because of the lack of urgency in handing out lifeline to the people,” ani Poe, chairperson ng Senate committee on public services
Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibibigay ang ikalawang bagsak ng cash aid sa 18 milyong pamilya sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act.
Base sa kanila ring pagtataya noong Hunyo 8, aabot na sa 98,132 PUV drivers ang nakatanggap ng cash aid mula sa listahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
May suhestiyon si Poe para sa mas mabilis at maayos na pamimigay ng subsidiya sa mga driver: ibigay sa kanilang mga asosasyon ang pamamahala sa pagbusisi sa listahan ng mga benepisyaryo.
Punto ng senadora, kailangang agad na maipamigay ang ayuda dahil hindi pa rin makabiyahe ang mga driver ng jeepney at bus sa Metro Manila kahit pa isinailalim na ito sa general community quarantine.
Kaya nga dismayado si Poe dahil sa panahon ngayon ay dapat pulido at sistematiko na ang distribusyon ng cash aid upang agad itong mapasakamay ng mga naghihirap na driver.
Nalulungkot din siya na kung sino pa ang isa sa mga sektor na may malaking ambag sa ekonomiya–tagahatid sa mga nagtatrabaho at pumapasok sa eskewela–ay makikitang namamalimos sa lansangan.
“Panahon na para ibalik natin ang kanilang dangal,” dagdag ni Poe
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.