Sino ang tamang partido laban sa Terror Bill? | Bandera

Sino ang tamang partido laban sa Terror Bill?

Atty. Rudolf Philip Jurado - June 12, 2020 - 01:13 PM

NOONG nakaraang Sabado natanggap ng Office of the President ang enrolled bill ng Anti-Terrorist Bill ( Terror Bill). Ang enrolled bill ay yung final copy ng Terror Bill na inaprubahan ng Senado at Kamara  na pirmardo ng Senate president at ng Speaker na nagpapatunay na ang nasabing panukalang ay naipasa na ng Kongreso.

Tatlong bagay lang ang pwedeng mangyari sa Terror Bill.

Una, pwede itong i-veto ng Pangulo. Ang ibig sabihin, hindi ito pipirmahan ng pangulo dahil hindi siya sang-ayon sa nilalaman nito.

Kung ganito ang mangyayari, ibabalik ng pangulo ang bill sa Senado kung saan ito nagmula. Kalakip o kasama ng pagbalik ng Terror Bill sa Senado ay ang veto message niya kung saan nakasaad ang kanyang mga dahilan kung bakit ito ay na-veto.

May tsansa o paraan pa rin itong maging ganap na batas kung gugustuhin ng Kongreso.

May kapangyarihan ang Kongreso na ipawalang bisa (overrride) ang veto ng pangulo, pero mangangailangan ito ng two-third votes ng miyembro ng bawat kapulungan. Kapag nagawa ito ng Kongreso, ang Terror Bill ay magiging ganap na batas matapos itong malathala sa Official Gazette. Pero sa kasaysayan ng politika sa Pilipinas, wala pang ganitong  nangyari.

Tandaan na ang pag-veto ng pangulo ay dapat sa kalahatan ng nilalaman ng Terror Bill. Hindi maaari na ang i-veto lang ng pangulo ay yung  mga provisions na hindi siya sang-ayon. Kung ito ay ibi-veto, dapat ang buong Terror Bill ang i-veto.

Ito ay dahil ayon sa Constitution, pinapayagan lang ang pangulo na mag-line veto sa appropriation, revenue at tariff bill at ang Terror Bill ay hindi isa rito.

Pangalawa. Hindi pipirmahan at hindi rin ibi-veto ng pangulo ang Terror Bill sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ito ng Office of the President. Kung ganito ang mangyayari, ang Terror Bill ay magiging batas.

Sa madaling salita, kapag lumagpas ng 30 araw mula nang matanggap ng pangulo ang Terror Bill at ito ay hindi napirmahan at hindi rin na-veto, nangangahulugan na ang Terror Bill ay magiging ganap na batas pagkatapos nitong malathala sa Official Gazette.

Ganito ang nangyari sa batas na nagpalit sa pangalan ng Manila International Airport ( MIA) para maging Ninoy Aquino International Airport ( NAIA). Hindi pinirmahan at hindi rin  na-veto ng dating pangulong Cory Aquino ang panukalang-batas matapos ang 30 araw mula ng ito ay natanggap.

Pangatlo, pirmahan ng Pangulo ang Terror Bill. Kung ito ang magaganap , ang Terror Bill ay magiging ganap na batas matapos itong malathala sa Official Gazette.

Ito ay mananatiling batas hangga’t hindi binabawi (repeal) ng isa pang batas na ipapasa ng Kongreso.

Maaari rin mapawalang bisa ang Terror Bill o alin mang provisions nito kung ito ay idedeklara ng Korte na labag ito sa Constitution. Magaganap lang ito sa isang tama at sapat na petition o kaso na isasampa ng tamang  partido.

Noong October 5, 2010, naglabas ng decision ang Korte Suprema sa kasong  Southern Hemisphere Engagement Network Inc et al., vs. Anti-Terrorism Council na isinampa ng napakarami at ibat-ibang partido ( as petitioners).

Hiniling ng mga petitioners o mga nagreklamo sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang RA 9372 o yung Human Security Act of 2007 dahil ito ay labag sa Constitution.  Ang RA 9372 o Human Security Act of 2007  ay maituturing kauna-unahang anti- terrorist law sa bansa at ito ang papalitan (repeal) ng Terror Bill.

Ngunit ibinasura ng Korte Suprema ang mga petitions at reklamo. Isa sa dahilan ng pagbasura ay walang locus standi o legal personalities ang mga petitioners o yung mga nagreklamo.

Sa madaling salita, yung mga petitioners o nagreklamo ay hindi naman pa nakakasuhan  o may tunay na banta na usigin bilang terorista (neither an actual charge nor a credible threat of prosecution under RA 9372).

Lahat ng 14 justices ng Korte Suprema ay sumang-ayon sa decision na ito. Si Justice Antonio Carpio ay hindi bumoto dahil sya ay nasa Official Leave.

Makikita naman sa nasabing decision, lalo na sa concurring opinion ni Justice Roberto A. Abad, na binasura ang petition o reklamo laban sa RA 9372 o Human Security Act of 2007 HINDI dahil tama at naayon ito sa Constutution.

Ito ay binasura lamang dahil ang mga petitioners o nagreklamo ay hindi nagpakita na sila ay nakasuhan o may tunay na banta para sila usigin sa ilalim ng RA 9372.

Kailan lang, nagsabi naman si retired Justice Antonio Carpio na maaaring dalhin at questionin agad ang Terror Bill sa Korte Suprema kung ito ay maisasabatas. ” Facial challenge” dahil sa Terror Bill maaari kang hulihin ng walang warrant of arrest at iba pa. Sinabi din ni Justice Carpio na maraming pinagkaiba ang Terror Bill sa Human Security Act of 2007.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya kung maisasabatas itong Terror Bill at may gustong dalhin ito sa Korte Suprema para mapawalang bisa, ang unang magiging suliranin ay kung papano malalagpasan ang issue tungkol sa locus standi o legal personalities.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending