20% discount para sa mga PH athletes, coaches aprubado na sa BIR
MAKAKAKUHA na rin sa wakas ng 20% discount ang mga national athletes at coaches.
Ito ay matapos ilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation 13-2020 nitong Mayo 27.
Magiging epektibo ito 15 araw matapos maipalabas sa official gazette o sa dalawang pahayagan na may malawakang sirkulasyon.
Ang 20% discount para sa mga national athletes at coaches ay kabilang sa mga benepisyong matatanggap nila base sa probisyon ng Republic Act (RA) 10699 o Athletes and Coaches Incentives Act.
Tanging ang mga kasalukuyang national athletes na nirepresenta ang bansa sa mga international competitions ang makikinabang sa nasabing probisyon.
Ang nasabing diskwento ay magagamit naman ng mga atleta sa pagbili ng pagkain, gamot at sports equipment at maging sa mga recreation centers, hotels at lodging establishments.
Kailangan lamang nilang magpakita ng ID at booklet para mapakinabangan ang diskwento.
Ikinatuwa naman ng Philippine Sports Commission (PSC) Board sa pangunguna ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pag-apruba ng BIR ng diskwento sa mga atleta at coaches.
“We have been looking forward to this and we are thankful that our athletes and coaches will finally enjoy the privilege they deserve,” sabi ni Ramirez matapos ang PSC Board meeting ngayong Biyernes kung saan kabilang ito sa mga tinalakay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.