KAWAWA umano ang mga estudyante na walang kakayanang bumili ng mga e-learning gadget at may maayos na internet connection para makapag-aral sa darating na pasukan.
Kaya mas makabubuti pa umano na ipagpaliban na lamang ng Department of Education, ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong.
Sinabi ni Ong na ang pagsasagawa ng virtual classes ay dumadagdag sa pasanin ng mga magulang sa panahon kung kailan mahirap ang buhay.
“Sobrang hirap na ng buhay ng ating mga magulang sa panahon na ito ng COVID pandemic. Halos wala nang makain ang marami sa ating mga magulang dahil walang hanapbuhay habang naka-quarantine,” ani Ong.
Nagpalabas ang DepEd ng Learning Continuity Plan (LCP) na maaari umanong pagpilian ng mga eskuwelahan kung papaano tuturuan ang mga estudyante nito.
Sinabi ni Ong na hindi maitatanggi na sa maraming lugar ay walang maayos na internet connectivity at walang kakayanan ang mga magulang na bumili ng smartphones, tablets at laptop.
Umaasa si Ong na maaga ang gagawing pagdedeklara ng DepEd na postpone ang pasukan upang hindi mapilitang bumili ang gadget ang mga magulang.
Dapat umanong tanggapin ng DepEd na ito ay “unprepared” sa sitwasyon.
“DepEd should just postpone the entire school year without any exception. Our policy should apply to all to avoid any confusion. We are unprepared for this crisis,” dagdag pa ni Ong. “Walang training ang marami sa ating mga teachers to hold online classes. My suggestion is the DepEd should use this time to properly re-tool their teachers and their system to adapt to the so-called new normal.”
Kailangan din umanong tulungan ng gobyerno ang mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan dahil hindi kasali sa social amelioration program ang mga ito.
“Tulungan din po natin ang ating mga teachers, lalo na yung mga under sa No Work, No Pay scheme. At least sigurado natin na mapupunta sa pamilya nila, at hindi gagamitin sa ibang non-essential purchases ang SAP na maibibigay na lang sana sa mga teachers.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.