PH Navy ship ‘tinarget’ ng China sa dagat – AFP
TINARGET ng Chinese warship ang isang barko ng Philippine Navy sa loob mismo ng West Philippine Sea, ayon sa militar Huwebes.
Ayon kay Vice Adm. Rene Medina, pinuno ng AFP Western Command, naganap ang panunutok sa BRP Conrado Yap noong Pebrero 17.
Bago ito, umalis ang barko sa Puerto Princesa City, Palawan, noong Peb. 15, 2020 para magpatrolya sa palibot ng Malampaya natural gas field at Kalayaan Island Group.
Habang patungo ang barko sa Rizal Reef, kung saan may detachment ang Pilipinas, naka-detect ang barko ng radar contact mula sa isang gray ship o warship, ani Medina.
Niradyuhan ng barko ng Pilipinas ang kabilang barko, pero tumugon ito ng, “The Chinese government has imputable sovereignty over the South China Sea, its islands and its adjacent waters,” aniya.
Muling niradyuhan ng Conrado Yap ang kabilang barko at inabisuhan itong magpatuloy na lang patungo sa destinasyon.
Habang patuloy na naglalayag ay muli umanong inulit ng kabilang barko ang tugon sa Philippine Navy.
Doon na napag-alaman ng crew ng Conrado Yap na ang kabilang barko ay isang Corvette warship (bow no. 514) ng People’s Liberation Army-Navy ng China.
Nakita din ng crew na nakatutok sa Conrado Yap ang “gun control director” ng Chinese warship, ani Medina.
“This gun control director can be used to designate and track targets and makes all the main guns ready to fire, in under a second.”
“This hostile act on the part of Chinese government and encroachment within the Philippines’ exclusive economic zone is perceived as a clear violation of international law and Philippine sovereignty,” ani Medina.
Ibinigay ni Medina ang mga pahayag matapos inunsyo ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin noong Miyerkules ng gabi na naghain ng protesta ang kanyang tanggapan para sa panunutok ng China ng “radar gun” at panghihimasok sa teritoryo.
Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na natanggap ng Chinese embassy ang protesta Miyerkules.
Inatasan niya ang Navy na magbigay sa kanya ng kumpletong ulat tungkol sa insidente sa dagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.