SIMULA sa Lunes ay papayagan nang makabiyahe ang mga tricycle at pedicab sa Negros Occidental sa ilalim ng nakatakdang adjustment sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Gov. Eugenio Lacson, sa Abril 30 pa matatapos ang ECQ sa probinsya pero sisimulan na nila ang Modified Community Quarantine sa Lunes.
Aniya, maaari nang makabiyahe ang mga tricycle at pedicab sa ilang lugar sa Negros Occidental sa ilalim ng MCQ.
Pero, dagdag ng gobernador, tatlo lamang ang papayagang makasakay sa tricycle habang isa sa pedicab.
Aniya, hindi pa rin papayagang makabiyahe ang mga bus at jeep.
Idinagdag ni Lacson na ilang restaurant at hardware store ang papayagan na ring mag-operate.
Sa ilalim ng MCQ, maaari nang magtipon-tipon ang 10 katao, pero tuloy pa rin ang pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar at paggamit ng home quarantine pass.
Napag-alaman na hindi sakop ng MCQ ang Bacolod City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.