Resbak ni Ping kay Isko: Ginawa namin trabaho namin
NAGPUYAT umano ang mga mambabatas para may maibigay na dagdag na tulong ang gobyerno sa mga Pilipino.
Ganito ang tugon ni Sen. Panfilo Lacson sa patutsada ni Manila City Mayor Isko Moreno na walang ginagawa ang mga senador ngayong naghihirap ang mga Pilipino dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019.
“Yorme, kaya po namamahagi ngayon ang gobyerno ng tulong pinansyal kasama na ang lungsod ng Maynila ay dahil nagpagod at nagpuyat ang mga senador kahit may banta ng COVID-19 para ipasa ang Bayanihan Act,” ani Lacson sa kanyang Twitter account.
Ang pinatutungkulan ni Lacson ay ang special session ng Kongreso kung saan inaprubahan ang Bayanihan to Heal As One Act na naglalaan ng pondong pagagamit ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19.
Noong Marso 23 ipinatawag ang special session na natapos kinabukasan.
Sa isang public address, sinabi ni Moreno na ipakita ng mga senador at iba pang pulitiko ngayon ang kanilang pagmamahal sa Pilipino.
“Maswerte kayo, mga pinagpala kayo, maswerte tayo [na] nakaluwag tayo sa buhay. Paano na ‘yung mga naghihikahos bago pa mangyari itong krisis na ito? At lalong naghihikahos sa ngayong krisis na ito?” ani Moreno.
Dagdag pa nito: “Asan kayo ngayon? Nasaan? Hinahanap namin kayo, kasama na ako.”
Giit ni Lacson malinaw na ang trabaho ng mga senador ay gumawa ng batas at ito ang kanilang ginawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.