NASA kritikal na kondisyon sina dating Sen. Heherson Alvarez at asawang si Cecile Guidote-Alvarez, founder ng Philippine Educational Theater Association, dahil sa coronavirus disease o Covid-19, kinumpirma ng Department of Agrarian Reform Martes.
Ayon sa kagawaran na ilang taong pinamunuan ni Alvarez, nananalangin ang mga empleyado nito sa agarang paggaling ng mag-asawa na naka-intubate sa Manila Doctors Hospital.
“The prayers for the immediate recovery of the well-loved couple are being recited at the employees’ respective homes in compliance with the government’s strict “stay at home” policy,” ayon sa kalatas ng nasabing ahensya.
Matatandaang isinugod sa pagamutan ang mag-asawa noong Miyerkules ng gabi. Nakaranas ng lagnat ang dating senador habang pag-uubo naman ang asawa.
Ngayong araw ay bumaba umano ang oxygen level ng mag-asawa kaya kinilangan silang i-intubate.
Ayon sa malalapit sa mga Alvarez, hindi gaanong lumalabas ang dalawa kahit noong bago pa pumutok ang ulat ukol sa COVID-19 bagaman nagkaroon ang mga ito ng mga pulong.
Si Alvarez, na nagsilbi ring kongresista, ay 80 anyos habang ang kanyang misis, na dating executive director ng National Commission for Culture and Arts, ay 76.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.