MAHILIG ka bang makinig ng musika? Kung oo ang sagot mo mabuti yan para sa iyo lalo na kung nakaranas ka na nang atake sa puso.
Ayon sa bagong pananaliksik sa Europa, nabatid na ang mga indibidwal na nakaranas pa lang ng heart attack at nakikinig ng musika 30 minuto kada araw ay makararanas ng konting sakit at pagkabalisa.
Pinangunahan ng mga mananaliksik mula sa University of Belgrade School of Medicine sa Serbia, ang bagong pag-aaral na tumutok sa 350 pasyente na na-diagnose na may heart attack at early post-infarction angina, na tumutukoy sa pagkakaroon ng chest pain matapos ang heart attack.
Ang kalahati ng mga pasyente ay itinalaga para tumanggap ng standard treatments, na kinabibilangan ng ibat ibang medikasyon tulad ng nitrates, aspirin, clot-preventing drugs, beta-blockers, statins, calcium channel blockers, blood pressure-lowering medications at angina-reducing drug na ranolazine.
Ang nalalabing kalahati ay itinalaga naman para lumahok sa regular music sessions maliban sa pagkakaroon ng standard treatment.
Ang tumanggap ng music therapy ang naunang sinuri para malaman kung anong klase ng musika ang rumerespondo ng positibo sa kanilang katawan at kinausap din sila na makinig sa musika sa loob ng 30 minuto kada araw kung saan nakaupo sila nang tahimik at nakapikit ang mga mata.
Ang mga pasyente ay binantayan sa loob ng pitong taon.
Ang napag-alaman sa pag-aaral, na inilahad sa American College of Cardiology’s Annual Scientific Session kasama ang World Congress of Cardiology, ay nagpakita na ang kumbinasyon ng music therapy at standard treatment ay mas epektibo para mabawasan ang pagkabalisa, pakiramdam ng kirot at ang dalamhating hatid ng sakit kumpara sa standard treatment lamang.
Ang mga pasyenteng tumanggap ng music therapy ay mayroong anxiety scores na mas mababa kumpara sa nakatanggap lamang ng standard treatment, mas mababang heart conditions (kabilang ang 18% reduction sa rate of heart failure; 23% lower rate ng heart attack; 20% lower rate ng pagkakaroon ng coronary artery bypass graft surgery; at 16% lower rate ng cardiac death) at mas mababang sintomas ng angina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.