Gov’t officials inuna kesa sa mga ordinaryong pasyente?
MAY 34 na opisyal ng gobyerno, karamihan sa kanila ay walang sintomas, ang nagpa-coronavirus disease 2019 test at inuna kaya mayroon umanong mga pasyenteng namatay bago pa man lumabas ang resulta na sila ay positibo sa naturang sakit.
May mga staff ng Research Institute for Tropical Medicine na nagsabi na inuna ang mga test ng mga opisyal ng gobyerno kaya namatay ang cardiologist na si Israel Bactol bago pa lumabas ang resulta ng kanyang test.
Namatay si Bactol noong Marso 21.
At mayroon umanong mga opisyal ng gobyerno na isinama sa pa-test maging ang kanyang mga kapamilya kaya mas lalong humaba ang pila.
Nang marami ang umaangal sa social media, inihinto umano ang pagbibigay ng prayoridad sa mga VIP pero ang kanilang sample ay nasa RITM pa rin kasama ng mga test mula sa Persons Under Investigation.
Sa panayam naman sa radyo kanina, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pumasok sa initial na criteria ang marami sa mga opisyal ng gobyerno na sinuri.
“Yung sinasabi nila na test na high level official yun pong most of them pumasok po sila sa criteria namin nung umpisa natin na may decision tool tayo, kung may exposure sila, o kaya nakapag-travel sila (sa lugar na may COVID cases) pasok naman sila and it was justifiable.”
Sinabi ni Vergeire na meron pa ring mga opisyal na nagr-request na magpa-test subalit ipinipila umano ito at hindi inuuna.
“Kailangan lang po intindihin natin ng ating mga kababayan meron ho taong ginagawa for national security reason, hindi naman po na basta-basta na ite-test natin, meron po talagang mga tao na iti–test for national security reason, we need to preserve high people in government na specific lang not everybody,” ani Vergeire.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.