Produ ng ‘Malvar’ nagbigay-pugay sa Kabataan ng Bayan
Siguradong maraming matututunan ang mga kabataan sa pelikulang “Malvar” na magbibigay-buhay sa kagitingan ng Pambansang Bayaning si Hen. Miguel Malvar na pagbibidahan ng People’s Champ na si Manny Pacquiao.
Ayon kay Atty. Jose Malvar Villegas, Jr., apo ni Hen. Miguel Malvar at Pangulo ng Labor Party Philippines (LPP) mahalagang malaman ng mga kabataan ngayon kung paano nakipaglaban ang kanyang lolo sa mga Amerikano para sa kalayaan at kaligtasan ng mga Pilipino.
Kamakailan ay binigyang-pugay ni Atty. Villegas ang Kabataan ng Bayan sa kanilang kagitingan nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899-1902 sa okasyon ng pagdiriwang ng Philippine-American War Memorial Day noong Feb. 4, 2020 sa Pulong ng LPP na dinaluhan ng mahigit 500 opisyal mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sabi ni Villegas, habang ang kasaysayan ng mga rebolusyon sa iba’t ibang bansa ay pinamunuan ng kabataan tulad nga sa Pilipinas na sina Bonifacio, Hen. Malvar, Hen. Gregorio del Pilar, Hen. Emilio Jacinto at iba pa, sa panahon naman ng pamamalakad ng pamahalaan sa pangkaraniwang panahon sa ilalim ng isang demokrasya, ang mga tanyag na leader ng bansa ay iyong mga nakakatanda tulad nina Manuel Quezon, Sergio Osmeña, Sr., Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Carlos Garcia, Fidel Ramos at Rodrigo Duterte.
Samantala, umaasa si Atty. Villegas, may-ari ng JMV Film Production at siyang nasa likod ng pelikulang “Malvar”, na maraming matututunan ang mga kabataan sa pagsasapelikula ng buhay ng kanyang lolo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.