Biñan 2020 and beyond | Bandera

Biñan 2020 and beyond

Leifbilly Begas - February 14, 2020 - 12:15 AM

(Mula kaliwa) Sina Biñan City Vice Mayor Gel Alonte, Rep. Marlyn Alonte at Mayor Walfredo Dimaguila, Jr.

KUNG meron isang bagay na nais ang lungsod ng Biñan para higit itong mapaunlad, ito ay ibalik ang lumang imahe nito.
Ganito nakikita ni Biñan City mayor Walfredo Dimaguila Jr. ang lalo pang paglago ng lungsod ngayong 2020 at mga susunod pang taon.
Nais ng lokal na pamahalaan, sa pagtutulungan ni Dimaguila, ng kanyang bise alkalde na si Gel Alonte at kanilang kongresista na si Marlyn Alonte, na bigyan ng identity ang lungsod na isang lugar na umuunlad pero hindi nakakalimutan ang nakaraan.
“Dito’y buhay ang nakaraan na sumasalubong sa magandang bukas, hindi pwedeng iwanan,” ayon kay Dimaguila sa isang press conference kasabay ng ika-10 anibersaryo ng pagiging siyudad ng Biñan at ika-75 taon ng kanilang liberasyon.
“Pwede namang maunlad ang Biñan in terms ng mga tao, may mga trabaho, nakakapag-aral ang mga bata and still kayang i-preserve yung mga old structures, yung mga old buildings at yun ang identity na gusto kong makita sa ating lungsod.”
Sa ngayon ang kooperasyon ng mamamayan ang kailangan ng lungsod para sa vision na nais mangyari ng alkalde.
Heritage preservation
Isa sa nais gawin agad ay ang paglilipat ng covered court na nasa tabi ng simbahan upang mapaluwag ang lugar.
“Meron na rin kaming pondo to relocate itong basketball court dito (sa plaza) nakausap na rin natin yung mga pari natin, payag silang ibalik sa itsura dati, malapit sa dati ‘yung simbahan and all the buildings surrounding the old municipal hall ibabalik natin siya, ibabalik natin ‘yung heritage ng Biñan at mas pagagandahin pa natin.”
Sa lugar matatagpuan ang Alberto mansion, ang bahay ni Teodora Alonso, ang ina ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal. Ang mansyon ang nasa sentro ng heritage preservation ng lungsod.
Nasa tapat naman nito ang Sentrong Pangkultura ng Biñan kung saan makikita ang mga exhibit ng mga sinaunang bagay.
“We have the master plan for the plaza, ang nag-prepare ay si Gerry Acuzar of Bataan,” saad ng alkalde na ang tinutukoy ay ang utak sa likod ng Las Casas Filipinas de Acuzar kung saan inilipat ang mga sinaunang bahay ng mga kilalang tao sa bansa.
Aalisin na rin umano ang covered court sa may simbahan upang lumuwag ang lugar.
Sinabi ng alkalde na nagsabi ang mga pari ng simbahan na konti ang mga regular na parokyano dahil walang maparadahan. Isa umano sa solusyon dito ang itatayong parking sa gilid ng Alberto mansion.
Kasama rin sa plano ang pagtatayo ng isang hotel at commercial center sa ilalim ng Public-Private Partnership. Ang magpapatakbo nito ay ang city government.
More projects
Sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Binan cityhood, nag-groundbreaking para sa pagtatayo ng bagong City Jail at Custodial Center sa isang hektaryang lupa ng lungsod sa Brgy. Dela Paz.
Kasabay nito ang inagurasyon at blessing ng Balay Silangan Drug Reformation and Rehabilitation Center na katabi ng kanilang organic farm.
Noong Disyembre ang Biñan ay binigyan ng Anti-drug Abuse Council Performance Award ng Department of Interior and Local Government, at naipakita anya ng kanilang lokal na pulisya na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay maaring mapagtagumpayan nang hindi madugo.
Bukod sa pagtatayo ng bagong kulungan, sinabi rin ng alkalde na magtatayo rin ang city government ng bagong Fire Station malapit sa Lambingan Bridge upang mas maging mabilis ang pagresponde nito.
Nahihirapan umano ang mga trak ng bumbero na lumabas mula sa kasalukuyang istasyon nito sa poblasyon dahil masikip ang daan.
Nakalinya rin ang pagpapatayo ng extension ng Biññan hospital na mayroog 200 bed capacity.
Palalakihin rin ang sangay ng Polytechnic University of the Philippines sa lungsod para dumami ang kurso rito.
Sinabi rin ng alkalde na gagamitin na rin ang Radyo Biñan upang marinig ang boses ng mga mamamayan.
“Ang radyo Biñan kasi was meant to become a community radio na information dissemination, yun ang purpose nun kaya lumabas tay,” ani Dimaguuila.
“Siguro ang maganda lets make Radyo Biñan not as a mouthpiece of the government siguro kalahati ng radyo gawain natin ng paraan sa mga taga-Biñan para iparating sa pamahalaan yung gusto nila, gawain natin ‘yun.”
Sports
Sinabi naman ni Vice Mayor Gel Alonte na palalakasin ng lungsod ang paglinang sa mga batang atleta.
“Lalong lalo na ‘yung mga mahihirap matulungan natin sila na makapag-aral matulungan na maabot ang kanilang mga pangarap. Siguro ‘yung special program na gagawin ngayon yung children’s competition sa buong Biñan pero ang prize natin pinag-aaralan namin ay ‘yung parang sa UAAP o hihigitan pa namin para mahikayat po ang mga kabataan ng lungsod ng Biñan na makaiwas sa mga masasama.”
SK
Nakalinya rin umano sa city council ang pagbibigay ng lungsod ng allowance sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan “para makatulong po kami sa mga batang nanunungkulan, huhubog tayo ng mga batang lider na pagdating ng panahon makakasama at makakatulong po namin sa lungsod ng Biñan,” ayon sa alkalde.
Buwis
Bumaba umano ang gross sales ng malalaking negosyo sa bansa noong 2019 kaya kinabahan ang punong lungsod sa magiging koleksyon ng buwis sa unang bahagi ng taon.
Ang itinakdang target ng city government ay P320 milyon para sa unang buwan ng taon.
Kinabahan umano siya nang bumaba ng P50 milyon ang koleksyon mula sa malalaking negosyo pero napunan umano ito ng pagdami ng mga maliliit na negosyo na nagparehistro.
“Natakot ho ako until na ano po namin na wala naman tayong magagawa na dun so nag-campaign ang ating BPLO (Business Permit and Licensing Office) at tumaas naman ng 40 percent ang number ng tax payers, ito yung mga maliliit na taxpayers hindi ito malalaki kaya dahil marami namang nadagdag, ‘yung iba nagbayad na talaga ‘yung ating target na P320 na-meet natin siya.”
Naniniwala anya siya na ang pagdami ng mga negosyong nagpaparehistro ay indikasyon ng pagtitiwala ng mga ito sa gobyerno.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending