Kai Sotto umangat sa ESPN Top 100 US high school prospects
MALAKI na ang inangat ng laro ni Kai Sotto magmula nang pumunta sa Estados Unidos.
Kaya hindi na katakataka kung ang Filipino teen sensation na si Sotto ay mapabilang sa isa sa pinakamahusay na high school big men sa 2020 class sa US basketball.
Ang 17-anyos na si Sotto, na asinta ang maging kauna-unahang homegrown Filipino cager na makapaglaro sa NBA, ay umangat mula sa No. 76 tungo sa No. 68 sa listahang ng ESPN ng Top 100 high school players sa 2020 class.
Ang 7-foot-2 big man na si Sotto ay No. 11 ranked sa mga center.
Ang Fil-American na si Jalen Green ang kasalukuyang No. 1 sa nasabing listahan.
Kamakailan lang ay ipinamalas ni Sotto, na isang four-star recruit, ang kanyang husay sa paglalaro matapos pamunuan ang The Skill Factory sa championship ng King Invitational tournament sa Atlanta kung saan pinarangalan siya bilang MVP.
Bagamat hindi pa nakakapili si Sotto kung anong kolehiyo o unibersidad ang papasukan, marami nang pangunahing unibersidad sa Estados Unidos ang gustong kumuha sa kanya kabilang na ang University of Kentucky, Auburn University at University of South Carolina.
Noong nakaraaang buwan ay dumalaw si Sotto kasama ang kanyang ama at dating PBA player na si Ervin sa University of Kentucky sa Lexington kung saan personal niyang nakaharap si Wildcats head coach John Calipari.
Sa ilalim ni Calipari, ang Wildcats ay nagkaroon ng ilang one-and-done NBA stars na kinabibilangan nina Anthony Davis, Karl-Anthony Towns at John Wall.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending