Yeng Constantino nagpiyansa na para sa kasong cyberlibel
NAGPIYANSA na ang Kapamilya singer na si Yeng Constantino para sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanya ng isang doktor.
Ito’y kaugnay ng mga ipinost niya sa social media laban kay Dr. Esterlina Tan, ang isa sa mga doktor na gumamot sa asawa niyang si Yan Asuncion nang maaksidente ito sa Siargao island, Surigao del Norte.
Nag-issue na kasi ang Regional Trial Court ng Dapa, Surigao del Norte ng arrest warrant laban kay Yeng sa cyberlibel case na isinampa ni Dr. Tan na naging subject ng kanyang video blog.
Inilabas ang warrant of arrest noon pang Dec. 12, 2019 pero natanggap lang ng Caraga Police Office ang dokumento nito lang Biyernes.
Sa official statement ng abogado ni Yeng na si Atty. Joji Alonso, inaprubahan naman ng korte ang kanilang piyansa, “Our client Ms Yeng Constantino-Asuncion, has posted bail and an Order approving the same has just been signed.”
Pero ipinagdiinan ni Atty. Joji na hindi pa natatanggap ng kanyang kliyente ang kopya ng formal complaint ng nagreklamong doktor, “We reiterate that our client has yet to receive a copy of the complaint filed before the Provincial Prosecutor’s Office of Surigao del Norte, for the alleged violation of Sec 4 (c) (4) of RA 10175 in relation to Article 355 of the Revised Penal Code or ‘cyber libel. We shall be addressing the charges in the coming days.”
Kung matatandaan, inireklamo ni Yeng ang doktor at staff ng isang ospital sa Siargao ng hindi pagbibigay ng sapat na atensiyon nang isugod doon ang kanyang asawa matapos maaksidente nang mag-cliff diving sa lagoon ng Siargao. Nakaranas ng temporary memory loss si Yan dahil sa nangyari.
Pero matapos ma-bash at makatanggap ng negatibong komento mula sa netizens, partikular na sa grupo ng mga doktor, nag-issue naman ng public apology ang singer pero hindi ito tinanggap ng Philippine Medical Association at nagbanta pang kakasuhan ang singer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.