Alden panata na ang magtrabaho sa pagpasok ng Bagong Taon
Palaging prayoridad ni Alden Richards ang kanyang pamilya. Hanggang maaari, basta nagbakasyon siya sa ibang bansa, ay kailangang kasama niya ang kanyang mga mahal sa buhay.
May karapatang magbakasyon ang Pambansang Bae, sa matinding trabahong ginagawa niya sa buong taon ay nararapat lang siyang magpahinga, kasama ang kanyang pamilya.
Nu’ng nakaraang taon ay sa Japan sila nagpalipas ng Pasko ng kanyang lola, ama at kapatid. Kailangan lang niyang bumalik talaga bago mag-Bagong Taon dahil naging panata na ni Alden ang pagtatrabaho sa pagpasok ng New Year.
Ilang taon na niyang ginagawa ang pagsama sa New Year Countdown ng GMA 7, naniniwala si Alden na kailangan tayong nagtatrabaho sa unang araw pa lang ng Bagong Taon, para suwertihin tayo sa kabuuan ng taon.
Palalim na nang palalim ang ikot ng kuwento ng kanyang seryeng The Gift. Ang pinakahuling napanood namin nu’ng Biyernes ay nanununtok ng puso, sinumbatan kasi siya ni Jean Garcia sa pagiging ampon lang niya, walang kaalam-alam si Aling Nadia na si Sep ang nawawala nitong anak.
Ang galing-galing ng pag-arte ni Alden sa eksenang ‘yun, bumabalong ang kanyang luha habang naglilitanya siya, aktor na nga ang Pambansang Bae.
Sabi nga ng kaibigan naming propesor na tumututok din sa serye, “Ginagalingan! Ang galing-galing ni Alden!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.