PNP-AKG magde-deploy ng sariling team para imbestigahan ang nangyaring pagdukot sa Makati
MAGPAPADALA ang Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ng sariling team para imbestigahan ang pagdukot sa babaeng Chinese sa Makati City noong Lunes ng gabi.
Sinabi ni Lt. Col. Jowel Saliba, PNP-AKG spokesperson na makikipag-ugnayan ang grupo sa Makati City police na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng insidente.
“Kahit na po wala (nang complainant), because lumabas na ito sa social media, magde-deploy po kami ng team para mag-imbestiga dito. We will conduct our own investigation,” sabi ni Saliba.
Ito’y matapos mag-viral ang video ng isang babae na humihingi ng tulong habang sapilitang isinasakay sa isang gray na Kia Carnival van sa Paseo de Roxas sa kanto ng Perea st. sa Legazpi Village.
Kinilala ni Maj. Gideon Ines Jr., Makati City police investigation chief, ang biktima na si Zhou Mei, 28, empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) firm.
Ibinahagi ng pulis ang passport ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.