Marian Rivera umaray sa kumalat na video interview tungkol sa traffic crisis; humingi ng sorry pero…
AGAD nag-isyu ng official statement ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera tungkol sa kumalat na video interview kung saan nagsalita siya sa traffic crisis sa Pilipinas na lumabas sa isang website.
Ito ang dahilan kung bakit umani ng batikos at matinding pamba-bash ang TV host-actress mula sa netizens na nakapanood ng video at nakabasa ng nasabing artikulo.
Hindi nagustuhan ng misis ni Dingdong Dantes ang inilabas ng nasabing website kaya sa pamamagitan ng kanyang Instagram ay nag-post siya ng kanyang mensahe para itama ang article na may titulong “Are the ‘super rich’ like superstar Marian Rivera also affected by Metro Manila’s heavy traffic, especially as the holidays near?”
Narito ang kabuuan ng IG post ni Marian: “Lahat tayo ay biktima ng trapik, at kani-kaniyang paraan lang kung paano tayo mag-cope sa sitwasyon. Ang tanong po kasi during the interview —kung panonoorin at pakikinggan niyo ang buong clip— ay nakatuon sa aking pamamaraan kung paano ko personal na itinatahak ang problemang ito ng ating lipunan, kaya’t sinagot ko naman iyon ayon sa kung ano ang totoo sa akin— at sa akin lamang. I just wanted to give a light take on my personal experience, but was misinterpreted.
“Hindi ko po nilalahat at lalu nang ginawang pangaral sa publiko ang aking pahayag. Kung sana’y naging mas responsable lang sila sa kanilang headline at sa hindi pag edit ng tanong sa umpisa ng original video, hindi ako ma-tatake out of context.
“Pinaninindigan ko po ang aking sagot and i take full responsibility, pero humihingi rin ako ng paumanhin sa mga nasaktan, nainis, napikon at kahit sa mga mema lang— hindi ko po nais na gawin ito sa inyo. Sa susunod, magiging mas maingat ako sa aking mga sinasabi, at sana ganoon din ang mga pahayagan na tinitingala ng nakararami.
“Kinikilala ko po ang hirap na pinagdaraanan ng mga Pilipino sa kalbaryong ibinibigay sa ating lahat ng trapik. Ang bawat minuto na nasasayang sa kalsada ay dapat na sana’y nagagamit natin para makapiling ang ating mga mahal sa buhay— wala pong may gusto nito. . .Peace everyone.
“Hindi po ako super rich. Maykaya, opo, dahil pinaghirapan ko po yun.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.