Anne Barretto ginawang lakas ang pinagdaraanan, nahiwalay sa asawa
MAY dinaanang personal na problema ang Chief Executive Officer ng aesthetic clinic na Hey Pretty na si Ms Anne Barretto kaya pala hindi siya naging aktibo nu’ng 2024 kasama na ang social media.
Base sa kuwento niya sa panayam niya sa Philstar.com sa kabubukas na bagong branch ng Hey Pretty beauty clinic sa Bonifacio Global City kamakailan ay inamin niyang nagkahiwalay na sila ng kanyang asawa.
Nakalulungkot malaman ito dahil nu’ng nagsisimula palang si Ms. Anne sa kanyang negosyo ay kasama niya ang guwapong hubby at isa pa nga ito sa punong abala noon sa magarbong launching nito sa Tagaytay City ilang taon na ang nakararaan.
“Ang daming nangyari noong 2024 na hindi ko inakalang dadating sa akin. Naghiwalay kami ng husband ko. Medyo shock ako no’n kasi nga parang biglaan. Pag-uwi ko ng bahay, wala na siya.
“Parang gano’n ‘yung story. Umalis po siya. As a single mom, nahirapan po talaga akong i-manage ‘yung 30 plus branches namin. Wala ‘kong masandalan. ‘Yung pundasyon na sinasandalan ko ay nawala,” lahad ni Ms. Anne.
At dahil sa personal nitong problema ay nadamay ang negosyo at kalusugan.
Pagpapatuloy ni Ms. Anne, “Sa business naman may mga bad decisions akong nagawa, not exactly bad decisions, kumbaga hindi lang nag-materialize ‘yung plans ko. Ang laki ng lost ko last year. Umabot siguro ko ng P20 million.
“After po no’n, dumating si Karina (super typhoon, July 24) ang tagal na namin sa opisina hindi naman binabaha. No’ng time na ‘yon, washed out talaga lahat ng gamit naming sa office, computer, documents, even ‘yung mga company cars namin washed out.
Baka Bet Mo:
“Do’n na po talaga parang gumuho na ‘yung mundo ko kasi parang sunod-sunod ‘yung nangyari. After po no’n, nagka-mild stroke ako. Siguro ‘di ko po talaga kinaya ‘yung mga problema. Do’n na totally talagang nag-stop ako sa social media, paglabas ko sa magazines talking about business kasi feeling ko hindi na ‘ko qualified para humarap sa media,”pagtatapat ni Ms Anne.
Pero napag-isipan din nitong hindi puwedeng magmukmok siya kailangan niyang tumindig lalo’t single mom na siya at paano ang mga empleyado niyang umaasa sa kanya kaya’t binago niya ang takbo ng buhay niya.
“Pinalakas ko ‘yung sarili ko sa pagbabasa, kung paano ko mako-cope ‘yung ganitong problema. So talagang tinulungan ko ‘yung sarili ko na makabangon. Sabi ko last year, promise ko ngayong taon na mas babawi ako para mag-expand pa ‘yung business ko.
“’Yon din ang maganda sa akin I think. Super positive ko sa lahat ng problema. Sa tuwing nakakaramdam ako ng problema, pinapalitan ko ng positibo. Iniisip ko palagi hindi lang ako ‘yung may problema, mas marami pang mabigat na problema sa akin at lahat ng problema ay natatapos. So alam ko lahat ng mga pinagdadaanan ko, dadaanan ko na lang at magiging inspiration at motivation na lang,”kuwento ni Ms Anne.
At ngayong 2025 ay maganda ang salubong sa Hey Pretty CEO dahil, “kasi may bago kaming franchisee, may bagong open na branch. Ang goal po talaga namin is mag-expand pa ng mas maraming branches.”
Sa kasalukuyan ay may 30 branches na ang beauty, cosmetic and personal care aesthetic center ni Ms Anne at nangakong maraming aabangan ang loyal customers ng Hey Pretty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.