MacArthur Landing Memorial sa Leyte pasok sa Top 20 ng Google Maps

MacArthur Landing Memorial
KUNG dati ay puro Boracay at Palawan ang bida sa listahan, sumisikat na rin ngayon ang Leyte bilang isang must-visit destination para sa mga mahilig sa kasaysayan at kultura!
Pasok kasi sa “Top 20 Most Searched Tourist Attractions in the Philippines” ang MacArthur Landing Memorial National Park sa Palo, Leyte.
Nakuha nito ang pang-15 sa pwesto!
Ayon kay Frances Anne Petilla, ang provincial tourism consultant at misis ni Leyte Gov. Carlos Jericho Petilla, ang pagkilalang ito ay isang malaking hakbang sa pagpapalakas ng turismo sa probinsya.
“This recognition is heartwarming, as it reflects the growing interest in our province’s rich history and the collective efforts to enhance tourism in Leyte,” sey niya sa isang pahayag.
Lahad pa ni Frances, “Seeing Leyte’s landmarks receive such recognition motivates us even more to preserve and promote our cultural and historical treasures.”
Bagamat walang eksaktong datos kung ilan ang mga bumibisita sa MacArthur Landing Memorial National Park, hindi maikakaila ang kahalagahan nito bilang isa sa mga pangunahing destinasyon sa Leyte.
Dito ginugunita taon-taon ang pagbabalik ni General Douglas MacArthur at ng Allied Forces noong October 20, 1944 –isang makasaysayang araw na hudyat ng paglaya ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Hapones noong World War II.
Matatagpuan ang parke sa Barangay Candahug kung saan makikita ang pitong double-life-size bronze statues sa isang artificial pool na naglalarawan sa pagbabalik ni MacArthur sa Leyte.
Para sa mga hindi rin aware, ang sikat na destinasyon ay itinanghal na pambansang parke noong July 12, 1977 sa bisa ng Letter of Instructions No. 572 na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Noong nakaraang taon, naglaan ang provincial government ng P40 million para sa rehabilitasyon ng parke, kabilang ang pagtatayo ng isang lagoon at mga kainan upang mas lalo pang mapaganda ang lugar.
Samantala, ang Google Maps na nagdiriwang ng ika-20th anniversary ngayong taon ay isa sa mga pangunahing digital platforms na nagpo-promote ng top destinations sa buong mundo.
Kasama sa listahan ng Top 20 Most Reviewed Visitor Attractions sa Pilipinas ang iba pang sikat na landmark tulad ng Quezon Memorial Circle, Magellan’s Cross, at Temple of Leah.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.