TAIPEI, TAIWAN – Matagumpay na naidaos dito sa Taiwan ang kauna-unahang Bantay OCW Foundation Caravan sa Asya pagkatapos ng isang buwang pag-iikot natin sa Amerika.
Sa pangunguna ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) at Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) dito sa Taiwan, naihatid namin ang Financial Literay at Mental Health
Awareness program direkta sa mga kababayan nating OFW noong August 4.
Kasama natin ang Bantay OCW co-hosts na sina Ms. Joyce Delovieres at Prof. Rommel Agbayani.
Muli maraming salamat kina MECO Chairman at Resident Representative Angelito Banayo, Labor Attache Atty. Cesar Chavez, Welfare Officer (WelOf) Dayang Dayang Sittie Kaushar Jaafar, Assistance to Nationals (ATN) Director Sabrina Aaron, Deputy Director Nestor Mayo at Information Attache’ Gerry de Belen. Pati na ang masisipag na mga staff ng MECO.
Noong Lunes sinundan naman namin ang serbisyong hatid ng POLO-OWWA sa pamamagitan ni WelOf Jaafar. Dalawang pasyenteng OFW na pawang mga kalalakihan ang dinalaw niya sa hospital. Ang isa’y nasunog samantalang bumagsak naman ang isa nating kabayan mula sa mataas na kisame sa pinagtatrabahuhan nito.
Isang nurse si WelOf Jaafar. Kaya naman, kabisado niya ang pasikot-sikot at proseso sa isang hospital. Bilang isang opisyal ng pamahalaan, malaking adbantahe ang pagiging nurse nito.
Alam niya kung paano makakuha ng tamang mga impormasyon mula sa doktor mismo na siyang tumitingin sa pasyente pati na ang kooperasyon ng mga nurse na humahawak sa ating mga OFW.
Kailangan niya ang tumpak at detalyadong impormasyon, dahil iyon din ang kaniyang sasabihin sa kapamilya ng OFW.
Nang nasa Alkhobar pa si Jaafar, malaking bentaha din na marunong siyang magsalita at bumasa ng Arabic. Sa gayong paraan nagiging madali na makuha niya ang impormasyong kinakailangan pati na ang angkop at praktikal na tulong para sa OFW.
Masasabi rin ni Jaafar kung nasa kritikal o ligtas na ang kalagayan ng pasyente.
Nabanggit din ni Jaafar na mahalagang ipaalam din sa pasyenteng OFW ang kanilang tunay na kalagayan lalo pa’t kung kinakailangang magsagawa ng mga major operation.
Dahil kung makapaghihintay pa naman ang nasabing operasyon, mas mabuti na sa Pilipinas iyon isagawa.
Mas magiging madali para sa OFW na may mga kamag-anak siyang titingin mismo sa kaniya at pati na ang mabilis na pagdedesisyon at hindi na kailangan pang mangga-ling sa abroad.
Mapalad ang ating mga OFW dito sa Taiwan. Abogado ang kanilang labor attache’ na si Labatt Cesar Chavez Jr. at nurse naman si WelOf Sittie Jaafar. Napakalaking bagay ito sa ating mga OFW. Tumpak na tulong ang kanilang naibibigay sa kanila. Saktong-sakto ‘ika nga! Mabuhay po kayo!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.