HALOS dalawang dekada na rin akong kumukober ng National Milo Marathon at kasama na rito ang paglahok ko sa 5k media run kasama ang ilang sports colleagues.
At nitong nakaraang Hulyo 28 ay muli akong kumober ng Metro Manila qualifying leg ng National Milo Marathon na nagsimula at nagtapos sa Mall of Asia grounds at sumabak din ako sa pagtakbo kasama ang mahigit 28,559 runners na lumahok dito.
Ang tubong-Malaybalay, Bukidnon na si Christine Hallasgo ang nagreyna sa women’s division matapos magtala ng clocking na tatlong oras, anim na minuto at 28 segundo para talunin sina April Rose Diaz (3:15:05) at Maricar Camacho (3:26:03).
Namayani naman sa men’s category ang tubong-Digos City, Davao del Sur na si Anthony Nerza na tinapos ang 42.195-kilometer race sa loob ng dalawang oras, 32 minuto at 50 segundo.
Dinaig ni Nerza ang mga nakatunggaling sina Richeel Languido (2:36:43) at ang 2016 national champion na si Jeson Agravante (2:38:48).
Kinulang man sa ensayo si Hallasgo ay nakuha naman niya sa pagsisikap at determinasyon ang korona sa kababaihan.
Ito rin ang ikalawang sunod na kampeonato ni Hallasgo sa Metro Manila qualifier ng Milo Marathon.
Ang PAF Airman 2nd class na si Nerza, na gold medalist rin sa Palarong Pambansa at 10 taon nang lumalahok sa Milo Marathon, ay kinuha sa tiyaga ang karera para magwagi.
Nakakatuwa rin ang sinabi nina Hallasgo at Nerza na maliban sa nakakakuha sila ng insentibo at premyo sa paglahok sa Milo Marathon ay nagsisilbi rin silang inspirasyon sa ibang atleta.
“Labas po sa premyo, nakilala po ako sa amin at nagiging inspirasyon po ako sa mga atleta na taga amin,” sabi ni Hallasgo. “Masaya po ako na marami po akong namo-motivate na mga atleta na magsikap din po sila.”
“Na-inspire rin po ako sa ibang athlete na tumatakbo. Kaya nagpupursige akong mag-training kahit hindi ako malakas masyado. Basta takbo at training lang ako,” sabi naman ni Nerza.
Nabanggit din ni Nerza na natutuwa siya na maraming bata sa kanilang lugar ang tumatakbo sa mga palarong tulad ng Milo Marathon dahil nakatutulong ito para lumakas sila at ma-motivate na manalo.
Idinagdag din ni Nerza na maliban sa nagiging ‘running idol’ sila sa mga kabataan ay nagsisilbi rin silang magandang alaala para sa mga batang runner na nagnanais na magkampeon.
Kaya naman maliban sa cash prize, medal o trophy at finisher’s certificate na makukuha mo kapag magkakampeon ka sa Milo Marathon, nagiging challenge rin ito para sa mga elite runner na hindi lang maging inspirasyon kundi maging role model sa mga kabataan at sa kanilang komunidad.
Kaya naman kahit na hindi ako elite runner tulad nina Nerza at Hallasgo at iba pang naging champion sa Milo Marathon, nais ko ring magkampeon sa karera at maging inspirasyon sa ibang tao at komunidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.