Hallasgo, bagong Milo Marathon queen | Bandera

Hallasgo, bagong Milo Marathon queen

- January 19, 2020 - 06:59 PM

 

ITINAAS ni six-time Milo Marathon queen Mary Joy Tabal (kanan) ang kamay ni Christine Hallasgo matapos itong magwagi bilang women’s champion sa 43rd Milo Marathon National Finals sa Tarlac City Linggo ng umaga. EDWIN BELLOSILLO

PINATUNAYAN ni reigning Southeast Asian Games women’s marathon champion Christine Hallasgo na hindi tsamba ang panalo niya kay many-time Milo Marathon queen Mary Joy Tabal sa nasabing biennial event matapos manaig sa 43rd Milo Marathon National Finals na ginanap sa Tarlac City Linggo ng umaga.

Inulit ni Hallasgo ang mahusay na pagtakbo na ginawa niya sa 30th SEA Games noong Disyembre para wakasan ang anim na taon na pamamayagpag ni Tabal sa Milo Marathon National Finals na nagsimula sa Poblacion Barangay Hall at nagtapos sa Tarlac City Hall.

Ang 28-anyos na tubong-Bukidnon ay nagtala ng dalawang oras, 52 minuto at 23 segundo para dominahin ang women’s division ng pinakamalaki at pinakamatagal na footrace ng bansa.

Nagtapos naman si Tabal na may oras na 2:58:49.

“May mga masasakit na comment, sabi nila tsamba ‘yung panalo ko pero lahat ng ‘yun pinaghirapan ko,” sabi ni Hallasgo na binalewala ang mga negatibong komento matapos na muling daigin ang Cebuana running sensation.

Ang marathon legend at Lingayen leg winner na si Christabel Martes ay pumangatlo sa itinalang oras na 3:05:40.

Naunang hinawakan ni Tabal ang korona noong 2013 bago nagawang talunin ni Hallasgo na itinala rin ang bagong personal best record.

Naging mas mabilis ang itinakbo ni Hallasgo sa National Finals kumpara sa dati niyang marka na dalawang oras, 56 minuto at 56 segundo sa SEA Games.

“Sa wakas natupad ‘yung pinapangarap ko naranasan ko na maging Milo Marathon queen,” sabi pa ni Hallasgo.

Samantala, naungusan ni first-time Milo Marathon champion Jerald Zabala (2:31:16) si Richard Salano (2:31:17) para magwagi sa men’s division.

Nangunguna si Salano sa takbuhan ng hindi mapansin sa huling kurbado patungo sa finish line ang beteranong si Zabala na nagawang kumaripas ng takbo para makuha ang titulo. Pumangatlo si 2016 Milo Marathon king Jeson Agravante sa kanyang oras na 2:31:55.

“Gusto ko naman na makuha ‘yung pangarap ko kasi matagal ko nang idol si coach Eduardo Buenavista ngayon nakuha ko na,” sabi ng 31-anyos at tubong-Cagayan de Oro na si Zabala.

Ang dating Milo Marathon champion na si Buenavista ang may hawak pa rin ng national record na 2:18:44.

Maliban sa nakuhang cash prize, magkakaroon din sina Hallasgo at Zabala ng pagkakataong sumabak sa isang international race ngayong taon.

Habol naman ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) na makasali ang mga marathoners nito sa mga nalalabing 2020 Tokyo Olympics qualifying races sa Asya partikular sa China at Japan kung saan ang bansa ay may hanggang Mayo 31 para makasali.

“That would be one of the considerations,” sabi ni Patafa marketing director Edward Kho. “Lahat naman ‘yan na na-identify as of the moment are all Olympic qualifiers.”

Mapapalaban naman ang bagong hari at reyna ng Milo Marathon dahil ang Olympic standard time ay 2:11:30 para sa kalalakihan at 2:29:30 sa mga kababaihan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang 43rd Milo Marathon National Finals, na nakasabay sa “Kaisa Festival” ng Tarlac City, ay nakahatak ng kabuuang 14,764 runners sa 3K, 5K, 10K, 21K at 42K categories kung saan 440 dito ay nag-qualify sa 42.195-kilometrong karera.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending