Dennis lalagare sa 3 pelikula, may bagong serye pa
Alam ni Dennis Trillo ang totoong kuwento ng movie niyang “Mina-Anud” na produced ng Regal Entertainment at Epicmedia.
Tinanggap niya ito dahil bukod sa totoong nangyari ang kuwento ng movie tungkol sa drugs na naanod sa isang pampang sa Samar first time niyang gaganap ng karakter na may konek sa ilegal na droga.
“Gusto ko rin kasing malaman kung anong klaseng atake ang gagawin ni Direk (Kerwin) Go sa pelikula. Kasi mabigat ang tema, eh.
“So natuwa naman ako dahil ang treatment niya, black comedy. Tapos nalaman ko na si Jerald Napoles ang kasama ko. Magsu-surf kami sa mga eksena.
“Kaya nasabi ko na ito ang perfect movie na gusto kong gawin,” pahayag ni Dennis nang makausap namin sa pictorial ng isang magazine.
Bukod kay Jerald Napoles, kasama rin sa “Mina-Anud” si Matteo Guidicelli na first time rin mapapasabak sa dark comedy.
“Magugulat kayo sa role ni Matteo. Ito ang kauna-unahang role na ginampanan niya na ganoong klase, ibang-ibang Matteo at napakagaling niya rito,” saad pa ng Kapuso actor.
Bukod sa “Mina-Anud”, ongoing pa rin ang shoot niya ng “On the Job 2” at kasunod naman nito, sisimulan na rin niya ang movie niya sa Star Cinema. Pinaplantsa na rin ang susunod niyang drama series sa GMA.
Samantala, hit na hit naman sa social media ang cover nila ni Jennylyn Mercado na “After All” na inilabas sa YouTube channel ng Kapuso Ultimate Star.
“Oo nga, eh. Mga kanta rin ng buhay namin ‘yon. Siguro nakaka-relate ang audience kasi niraramdam din namin. Talagang pinaghirapan naming gawin ‘yung content,” rason ni Dennis.
Teka may chance ba na magsama uli sila sa isang soap opera ni Jen in the future?
“Oo naman. Hindi lang natin alam kung kailan pero sana makahanap ng magandang material ang GMA for us. Matagal-tagal na rin namang hindi kami nagkakatrabaho ni Jen,” sey pa ni Dennis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.