Suspek sa rape-slay dakip matapos ang litrato sa Facebook
ARESTADO ang isang drug suspect para sa pagpatay at paghalay pa sa isang grade 12 student sa Payatas, Quezon City.
Nadakip si Elimond Domingo, 25, sa inuupahan niyang silid sa La Trinidad st., Group II, Brgy. Payatas B, alas-10 ng gabi Lunes, sabi ni Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., dirketor ng Quezon City Police District.
Natunton si Domingo bilang suspek sa paghalay at pagpatay sa kapitbahay na si Allison Dacillo, sa follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit at Police Station (Batasan).
Nadiskubre ang mga labi ni Dacillo noong Hunyo 7, nang mapansin ng isang napadaang residente ang masangsang na amoy sa silid ng 18-anyos na dalaga.
Nakahandusay sa kama at walang saplot pang-ibaba ang biktima nang matagpuan.
Sa pagsusuri, kinakitaan ang dalaga ng mga saksak sa leeg, kaliwang bahagi ng katawan, kaliwang braso, at tanda ng panggagahasa, ayon kay Esquivel.
Isinailalim sa pagtatanong ng CIDU ang lahat ng kapitbahay ng biktima, at doon napansin na tila balisa si Domingo, kaya sa kanya itinuon ang imbestigasyon.
Napansin ng mga imbestigador sa Facebook account ni Domingo ang suot niyang “dog tag,” na tila kapareho ng isa na narekober sa crime scene.
Bukod dito’y sinabi sa pulisya ng isang residente na nakita siyang lumabas sa silid ng biktima noong Hunyo 7.
Nang dakpin na’y itinuro ni Domingo ang itinago niyang underwear at shorts ng biktima, pati ang cellphone at mga susi nito na kanyang itinapon sa creek sa Soliven st., Brgy. Commonwealth.
Napag-alaman pa ng pulisya na si Domingo ay may nakabinbing warrant of arrest para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law.
Isinampa na ang bago niyang kaso na robbery with homicide and rape, sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.