Karla napaiyak dahil sa ina: Hangga’t buhay ako ibibigay ko sa kanya lahat
NAPAIYAK si Karla Estrada habang nagkukuwento tungkol sa kanyang 75-years-old na ina at ng mga hirap at sakripisyo na pinagdaanan nila noong nagsisimula pa lang siyang mag-artista.
Ayon sa TV host-actress, abot-langit ang pasasalamat niya sa Diyos dahil hanggang ngayon ay kasama pa rin nila ang kanyang nanay at naipaparamdam pa rin niya rito ang kanyang pagmamahal.
Sa nakaraang episode ng Magandang Buhay ay naibahagi ni Karla sa madlang pipol ang mga panahong nagsisimula pa lang siya sa showbiz at ang pagiging breadwinner ng kanilang pamilya noon.
“Ang pagiging anak ay na-master ko ‘yan. Simula’t sapul na ako’y natutong kumanta, at kumita ng pera, talagang ako’y naging breadwinner na.
“I’m very proud na si mama ay nakaranas ng magandang buhay dahil matagal kaming nagkasama sa hirap. Hindi ako makakakilos, hindi ako makakapag-trabaho kung wala si mama, na nandiyan sa tabi ko,” kuwento ng nanay ni Daniel Padilla na nagsimula rin ang career bilang member ng That’s Entertainment noong dekada 90.
Ayon pa kay Karla, sa edad ng kanyang ina na 75, masaya pa rin silang nagkakasama lalo na kapag nandiyan din ang mga kapatid niya. Tuwang-tuwa rin daw ang nanay niya sa pag-aalaga ng mga apo.
“Ako naappreciate ko lang ang nanay ko, she’s still here na kasama pa namin, mag-75 na siya ngayong August at kasama namin, nag-aalaga siya ng mga anak ko, ng mga apo niya sa probinsya.
“Lahat ng itong nakikita ninyong magagandang kaugalian sa aming mag-ina, at sa aking mga anak, lahat ay galing sa aking ama at ina,” pahayag pa ng TV host.
Nang magbigay na siya ng mensahe para sa ina, hindi na niya napigilan ang maging emosyonal, “Hangga’t nandito’t malakas pa ako, ibibigay ko sa nanay ko ang karapat-dapat na para sa kanya, at sa kanya lamang.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.