Magmumura at magde-dirty finger din ba si Darren kapag may sumigaw ng, ‘I love you JK’?
ANO ang gagawin ni Darren Espanto sakaling may sumigaw mula sa audience ng “I love you JK Labajo!” habang nagpe-perform siya?
Yan ang isa sa mga itinanong kay Darren sa ginanap na mediacon para sa upcoming concert niyang “The Aces” kung saan makakasama niya sina Jona at Lani Misalucha.
Marespeto namang sinagot ng young singer ang mga question ng press about JK na kontrobersyal nga ngayon dahil sa viral video nito kung saan ilang beses siyang nagmura at nag-dirty finger pa sa “Rakrakan 2019.”
Na-bad trip kasi ang binatang singer-actor dahil isang tao sa audience ang paulit-ulit na sumisigaw ng “I love you, Darren!” habang nagpe-perform siya sa stage.
Kung matatandaan, nagkasagutan ang dalawang bagets sa social media last year matapos umanong tawagin ni JK si Darren ng “bakla”, pero itinanggi ito ni JK at sinabing na-hack daw ang kanyang account.
Rumesbak naman si Darren at sinabing hindi siya naniniwalang na-hack ang account nito. Kinuyog din ng fans ng binata si JK at binantaan na hindi siya titigilan kapag patuloy niyang inaway ang kanilang idolo.
Simulang pahayag ni Darren tungkol sa issue, “Para po sa akin, I’d say I’m not the right person na sumagot po dito right now.”
Kung siya ang tatanungin, gusto na niyang matapos ang kontrobersya sa pagitan nila ni JK, “Para po sa akin, as much as possible naman… opo, I think everyone wants that naman, e.”
Galit pa ba siya sa dati niyang kaibigan? Ngumiti muna ng makahulugan ang binata sabay sabing, “Basta, I’d rather not talk about it here in this type of event.”
Ano naman ang masasabi niya sa isang performer na nagmumura habang kumakanta sa stage dahil sa sobrang pagkaasar sa audience, “For me, the show just goes on and it’s just something na, para po sa akin, it’s just funny, kasi nag-effort pa silang pumunta sa show mo para lang gawin yun sa ‘yo.”
Sakaling may umigaw ng “I love you, JK!” habang kumakanta siya sa stage mumurahin din ba niya ito? “Sasabihin ko sa kanya ‘I love you, too.’
“Kasi nandu’n siya. Ako yung nagpe-perform sa stage. Sinigawan mo ako ng ‘I love you,’ babalikan kita ng ‘I love you’ kahit ibang pangalan ang tinawag niya sa akin,” sey pa ni Darren.
Samantala, nakiusap naman ang young singer na pag-usapan na lang ang tungkol sa “The ACES” concert nila nina Lani at Jona na magaganap ang Manila/Luzon leg sa Araneta Coliseum sa March 30.
Ito ang last leg ng concert tour nila matapos ang matagumpay na Visayas leg sa Waterfront Cebu noong Feb. 2 at Mindanao leg sa SMX Convention Center sa Davao last March 2.
“It’s a big honor for me to be on the same stage and to perform in this concert together with Ate Jona and Ms. Lani. They are very respectable performers and great singers. So, to be with them is such a wonderful experience,” chika ni Darren.
Sa direksyon ni Marvin Caldito, ang “The ACES” ay handog ng Star Music, Star Events at CCC Productions. Kasama rin ang Pldt Home bilang co-presentor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.