Honeylet sa pag-aresto kay Duterte: Kinidnap n’yo siya, wala kaming laban
LUMULUHANG naglabas ng galit at sama ng loob si Honeylet Avanceña sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ni Honeylet ang nangyari sa kanyang partner, lalo na ang basta na lamang na pag-aresto kay Duterte ng International Criminal Court (ICC) last Tuesday, March 11.
Idagdag pa ang biglaang pagdadala sa dating presidente sa The Hague, Netherlands para sa gagawing paglilitis kaugnay ng kasong “crimes against humanity” dahil sa ipinatupad nitong war on drugs.
Hindi napigilan ni Honeylet ang maging emosyonal sa panayam ng SMNI News, habang inisa-isa ang mga nagawa ni Duterte sa Pilipinas kabilang na ang mga pagsasakripisyo nito para sa sambayanang Pilipino.
Baka Bet Mo: Baste Duterte minura si PBBM: Tatay ko pinakulong mo, p*****i** ka!
Pero sa kabila nito, ginipit at inabuso pa raw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanyang partner.
Ayon kay Honeylet, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakatulog dahil sa mapait na sinapit ni Duterte.
“Grabe talaga kinulong na, kinuha n’yo pa mula sa Pilipinas kung saan siya ipinanganak.
“Tapos ganito pa ang ginagawa n’yo sa amin. Hindi ako makatulog. Hindi ako makatira sa sarili naming bahay. Nagmamakaawa lang ako,” sabi pa ni Honeylet sa naturang panayam.
Patuloy pa niya, “Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Hindi ko talaga alam. Naawa na lang ako kasi kahit pagkain lang, pinagkaitan pa.”
‘Sobrang pang-aabuso, kinidnap n’yo siya, wala kaming laban…mas mabuti pang pinatay n’yo na lang siya doon,” ang himutok pa ni Honeylet.
Nanawagan pa siya sa mga tagasuporta ni Duterte na patuloy na ipagdasal ang dating Pangulo na maging maayos ang kalagayan nito at sana’y makabalik na ito sa Pilipinas.
Nanindigan din si Honeylet na hindi sila titigil hangga’t hindi naibabalik sa bansa si Duterte mula sa pagkakapiit nito sa The Netherlands.
Nauna rito, nabalitang hindi na idedemanda ng miyembro ng Special Action Force (SAF) si Honeylet matapos siyang hatawin ng cellphone sa noo at magkabukol, noong arestuhin si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.