Jobert sa pagkatsugi ni Mystica sa Probinsyano: Kahit ako direktor papatayin ko ‘yun, puro porma!
ISTRIKTONG katrabaho si Coco Martin. Yan ang isa sa mga quality ng Teleserye King na binanggit ng komedyanteng si Jobert Austria nang tanungin kung paano niya ilalarawan ang aktor.
Kasama pa rin si Jobert sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco at todo ang papuri nito sa aktor pagdating sa pagiging professional at pagmamahal sa kanyang trabaho.
“Mabait sobra si Coco, maalaga siya sa lahat ng nasa set. Hangga’t maaari ayaw niya ng matagalang taping. Call time namin ng 5 a.m, magro-rolling ng 7 a.m. at gusto niya matapos ng 4 o 5 p.m. pag day effect. Pag night effect naman, sa gabi ka iko-call,” ang paglalarawan ni Jobert sa actor-director na siya ring creative consultant ng FPJAP.
Hindi rin itinanggi ni Jobert na istrikto si Coco dahil ayaw nito ng may nasasayang na oras tulad ng paulit-ulit na takes para nga naman mas mapabilis ang trabaho.
Dalawang taon na pala si Jobert sa Ang Probinsyano, “Malaking tulong sa akin ang show kasi nakabili ako ng van at bahay. Kaya nagpapasalamat talaga ako kay Coco, kaya hindi ko sinisira ang tiwala nila. Pag break time hindi ako natutulog, pinapatawa ko silang lahat,” kuwento pa ng komedyante.
Hindi pa rin natitibag ang FPJAP ng ABS-CBN at kung hindi kami nagkakamali ay ika-16 teleserye na ng kabilang network ang katapat nito ngayon.
“Nasa kuwento rin kasi, saka magaling magdirek si Coco, mabilis saka ‘yung nangyayari sa Probinsyano, masyadong relevant sa nangyayari sa tunay na buhay at nakaka-identify ang mga tao, kahirapan at pang-aapi.
“Kung kakalabanin nila ang Probinsyano dapat katulad din ng kuwento para maka-relate ang viewers,” pahayag pa ni Jobert.
Kumusta si Coco Martin bilang direktor? “Hindi siya naninigaw, istrikto lang at normal naman siguro na kapag may gusto siyang gawin dapat naming gawin at hindi naman siguro tatagal nang tatlong taon ang Probinsyano kung hindi effective ‘yung style niya,” aniya.
Tinanong din namin kung totoong sa set na mismo ginagawa ang script ng serye, “Ang galing no’n (Coco), alam mo kung paano siya gumagawa ng script, magkakaharap kami, like apat kaming kausap niya, sasabihin niya, ‘ikaw, sabihin mo ‘to, ikaw Pinuno, gawin mo ‘to. Tapos ‘yung susunod na sequence, alam niya ‘yung dikit no’n kaya natatapos ‘yung 20 sequences in one day lang at lahat ‘yun by mouth lang. Kaya ewan ko kung sino ang may kayang gawin no’n,” paglalarawan ni Jobert kung paano magtrabaho si Coco.
Kaya lahat daw ng mga artistang nasa Ang Probinsyano ay nagtutulungan para mapadali ang trabaho nila.
Sa madaling salita kapag hindi nakakatulong sa serye ay talagang pansin na pansin dahil kaagad namamatay ang karakter o bigla na lang nawawala tulad ni Mystica.
“E, kahit ako direktor papatayin ko ‘yun!” diretsong sabi ng aktor. “Ito totoo lang, waley! Puro porma pagdating sa trabaho paulit-ulit hindi siya focus. Si Coco parang si direk Bobot (Mortiz) din, kapag may nakitang talent, binibigyan ng chance. Si Mystica binigyan ng chance, sino bang magbibigay pa do’n?
“Dalawang sasakyan bumili agad, tapos nawala. E, siyempre dalawa lang ‘yan, makakatulong o makakasira ka sa show. Kung ako makakasira sa show at tinanggal ako, okay lang tanggapin mo hindi ‘yung ipagpipilitan mo ang sarili mo kahit nakakasira ka tapos magsasalita ka ng masama sa tao,” kuwento ni Jobert.
Kaya laging panalangin ni Jobert ay hindi siya magkasakit para tuluy-tuloy ang trabaho niya. Isang buong linggo siyang laman ng telebisyon ngayon dahil bukod sa Ang Probinsyano may Home Sweetie Home at Banana Sundae pa siya, idagdag pa ang show niya sa Cinemo ng TVPlus.
May pelikula rin siya ngayon, ang “Familia Blondina” kasama si Karla Estrada mula sa Arctic Sky Entertainment na mapapanood na simula ngayong araw mula sa direksyon ni Jerry Sineneng.
Kasama rin dito sina Xia Vigor, Chantal Videla, Heaven Peralejo, Awra Briguela, Kira Balinger at Marco
Gallo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.