Kampo ng kulelat na senatoriable nagpapakalat ng fake news
ALAM kaya mismo ng isang senatoriable ang pagpapakalat ng fake news kung saan pinalabas na nasa Magic 3 na siya sa survey.
Kamakailan, nagpakalat ang text brigade ng isang senatoriable na hindi lang pumasok sa Top 12 ang senatorial bet, kundi pangalawa pa siya sa pinakahuli umanong survey.
Isinabay ang fake news sa pinakahuling survey kung saan nasa hulihan pa ang senatoriable.
Hindi umangat-angat sa survey si Mr. Wannabe sa kabila naman ng sobra-sobrang mga pakulo para umangat ang kanyang pangalan.
Sa kabila kasi ng napakaagang pangangampanya kung saan makikita ang kanyang mukha sa napakaraming lansangan, hindi man lamang tumaas ang opisyal sa survey.
Balita ring kinuha niyang campaign manager ang isa ring kontrobersiyal na personalidad, ngunit imbes na makatulong sa pag-angat ng rating ng senatoriable ay napapasama pa.
Kilala ang grupo na kinuha ni senatoriable sa mga black propaganda.
Sinasabing eksperto ang grupo na humahawak sa senatoriable sa pagpapakalat ng mga troll.
Kayat hindi na rin kataka-taka na idaan ng mga alagad sa pagkakalat ng fake news ang kampanya para maiangat ang rating ng nag-aambisyong politiko.
Gusto n’yo ba ng clue? Halatang nagpabuyo si senatoriable sa bulong ng mga nakapalibot sa kanya nang magdesisyong pumalaot sa politika.
Dapat ay sabihan ni Mr. Wannabe ang kanyang mga alipores na mag-iba ng istilo bukod sa pagpapalaganap ng fake news.
Isa pang clue. Lahat ay nais magpalakas sa senatoriable dahil sa impluwensiya nito.
Balitang mahaba ang pisi ni senatoriable kayat lahat ng gimik ay ginagawa ng kanyang kampo.
Kailangan pa ba ninyo ng iba pang clue?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.