NAPAKAGANDANG payo (hindi patutsada) ni Kris kay Mayen. Oo nga naman, dapat lumayo ang dalaga sa lalaking may asawa. Kay gandang paalala mula kay Kris para sa dalaga.
Bago nilusob ng Hapon ang bansa, ganito ang kalakaran ng kababaihan. Hindi lumalapit ang dalaga sa lalaking may asawa, may pananagutan na sa buhay. Lalo pa’t sa publiko, sa teatro, palengke, simbahan, mga pagtitipon, hiwalay ang mga dalaga sa mga binata. Kaya hindi maaaring mapalapit, o lumapit, ang dalaga sa may asawa. Matatalim noon ang mga mata ng mga nakakikita kaya ang peligrong ito ay iniiwasan anumang oras, at tila pader na para di maglalapit, mapaglalapit, mag-uusap, magtatawanan, makikipag-kamay ang dalaga sa lalaking may asawa. Kahit magkapitbahay na, mahalay tingnan na makikipag-usap o makikipag-mabutihan ang dalaga sa lalaking may asawa.
Napakagandang moralidad, kung sana’y naipagpatuloy lamang hanggang sa panahon nina Manny at Jinkee. Pero, imposibleng maipagpatuloy, dahil ang noo’y huwaran mismo ng kabataan, ang mga artista, ang dahan-dahang lumihis sa moralidad na ibig ipaliwanag ni Kris kay Mayen.
Magagandang papel ang ginampanan noon, bilang mga kontra-bida’t magwawasak ng magandang samahan ng mag-asawa, nina Paraluman, Charito Solis, Lolita Rodriguez, Bella Flores, atbp., na iiwanan ngang luhaan sa lusak ang katulad ni Marlen Dauden, na siya namang gagawin din ng mga manonood bilang pakikidalamhati sa biktima ng tatsulok at mapang-agaw na pagnanasa.
Kay gandang paalala ni Kris, na ang mga magulang ay uliran at huwaran; pati ang angkan (kabilang na ang Sumulong) ay walang bahid eskandalo’t usap-usapan. Kaya naman, sila’y malayang nakapaglalakad sa lipunan nang di nagbubulungan ang mga taong dinaraanan sa tabing ng de-tiklop na pamaypay.
Pero, kasabay ng mga pista sa Enero, pinagpiyestahan ng mga mapanuri si Kris ng mga puna. Ibinalik ang yugto ng kanyang buhay na siya’y napalapit sa dalawang lalaking may mga asawa na’t umibig. Kina Ipe at Tsong, na pawang may mga asawa’t pananagutan.
Kung sana’y maipagtatanggol lamang ang moralidad nang di sinusuri ang nagsasabi.
Lito Bautista, Executive Editor
BANDERA, 011810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.