from “Target ni Tulfo” by Mon Tulfo
BINATIKOS ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang labis na pagpapakita ng debosyon sa imahen ng Jesus Nazareno ng Quiapo matapos na dalawa ang namatay at 400 ang nasaktan sa prusisyon noong Linggo.
Sinabi ng butihing Cardinal na ang tunay na debosyon sa Nazareno ay simpleng pamumuhay at pakikipagkapwa-tao.
Pero, masisisi ba ninyo, Cardinal, ang mga nananampalataya sa kanilang sobrang debosyon sa Nazareno?
Maraming himala ang naiuugnay sa imahen ng Jesus Nazareno.
Marami nang mga taong gumaling sa kanilang mga karamdaman dahil sa Nazareno, mga karamdamang wala sanang lunas.
Ang pananampalataya ay nasa isip.
Ang himala ay nangyayari dahil sa matinding paniniwala.
Sabi nga sa Biblia, “As ye believe so shall it be done unto you.”
* * *
Inaayunan ng siyensiya o science ang himala.
Sabi ng mga scientists, makapangyarihan ang isip ng tao at nagagawa nito ang mga tinuturing ng karamihan na imposible, gaya ng himala.
Thoughts become things, sabi ng mga scientists.
Kapag matindi ang paniniwala mo na gagaling ka sa iyong karamdaman o makakahanap ka ng trabaho, magkakatotoo.
Ito ang sekreto ni Mike Velarde ng El Shaddai na madalas ay pinabubuka ang mga payong ng kanyang mga alipores at binabaligtad sa paniniwalang magkakaroon sila ng pera.
Bingo! Ilang araw lang ay may dumating na pera na di inaasahan.
Bakit nagkaroon ng pera ang mga alipores sa utos ni Velarde na ibuka at baligtarin ang payong upang umulan ng grasya galing sa langit?
Ito ay dahil sa tindi ng kanilang paniniwala, hindi doon sa pagbuka at pagbaligtad ng payong.
Ang payong ang ginamit sa ritwal na hocus-pocus, pero ang isip ang gumawa ng paraan na magkapera ang alipores.
Ganoon ang kapangyarihan ng isip ng tao.
* * *
Ang himala ay nangyayari araw-araw dahil sa sampalataya ng tao.
Halimbawa, isang pasyente ang na-diagnose na may throat cancer. Sinabihan siya na may isang aparato na makakapagpagaling sa kanya.
Ang pasyente ay “no read, no write” at walang alam ito sa pamamaraan ng medisina.
Nang siya ay pumasok sa opisina ng doktor, isinubo sa kanya ang thermometer upang kunan siya ng temperature.
Ang buong akala ng pasyente ay ang thermometer ay yung aparato na makapagpagaling sa kanya.
Hindi siya kinontra ng doktor na may alam sa psychology at bagkus ay inayunan pa siya.
Pinatagal ng doktor ng 10 minuto ang thermometer sa bibig ng pasyente at pinabalik siya ng dalawang araw.
Makailang ulit ding bumalik ang cancer patient sa doktor na ang ginawa lang ay ilagay ang thermometer sa kanyang bibig at pagkatapos ay pinauuwi na siya.
Presto! Gumaling ang pasyente!
Hindi yung thermometer ang nakapagpagaling sa kanya kundi ang kanyang paniniwala o sampatalaya.
(Taken from “Three Magic Words, Key to Power, Peace and Plenty” by U.S. Andersen)
* * *
Nagpapasalamat ang inyong lingkod kay Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn sa kanyang pagmamagandang-loob sa isang breast cancer patient na aking idinulog sa kanya.
Ang breast cancer patient, na nakatira malapit sa aking farm sa Puerto Princesa, ay lumapit sa akin dahil kailangan na itong operahan.
Binayaran lahat ni Hagedorn ang hospital at doctor’s bills ng pasyente.
Tinanggihan ng alkalde ang aking alok na maghati ng bayad sa gastos sa operasyon at paglalagi sa ospital ng pasyente.
Napakalaki ng ginastos ni Mayor Hagedorn at hindi ko na babanggitin dito.
Bakit lumaki ang gastos sa pagpapagamot ng babae?
Dahil napaka-kapal ng mukha ng babae at ng kanyang kamag-anak!
Kumuha sila ng pribadong kuwarto sa pribadong ospital sa halip na manatili sa isang charity ward.
Hindi ko alam kasi ang kanilang ginawa dahil nandito naman ako sa Maynila at padalaw-dalaw lang sa Puerto Princesa.
Akala ko kasi ay marunong mahiya ang damuho at kukuha ng kuwarto ayon sa kanyang katayuan sa buhay.
Aba’y akala ng tinamaan ng lintik ay milyonarya siya!
Alam mo ba na hindi man lang nagpasalamat ang babae kay Mayor Hagedorn matapos siyang makalabas?
Singkapal ng mukha ni Pangulong Gloria.
BANDERA, 011210
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.