INIHAYAG ng nagbitiw na si dating Communications Assistant Secretary Mocha Uson na tatakbo siya sa eleksiyon sa 2019.
“Oo, tatakbo na ako,” sabi ni Uson sa isang panayam sa Senado, hindi naman niya sinabi kung anong posisyon ang kanyang tatakbuhan.
Nauna nang inihayag ni Uson ang pagbibitiw sa pwesto sa isang pagdinig sa Senado noong Oktubre 3.
“Kasi kung ako ngang ganitong klaseng tao ay sinisiraan ng ganyan, paano na ‘yung mga walang boses. Kaya dapat magkaroon ng boses ang ordinaryong Pilipino,” sabi ni Uson.
Kasabay nito itinanggi ni Uson na sinibak siya sa pwesto ni Pangulong Duterte at hindi nagbitiw.
Tinawag pa ni Uson na “fake news” ang ulat ng INQUIRER.net na sinibak siya sa katungkulan, kasabay ng pagsasabing layon lamang nito na pigilan ang kanyang plano para sa 2019.
Nang tanungin kung tatakbo siya sa Senado, sumagot si Uson na, “Wala, hindi ko pa po alam e.”
Inamin naman niya na hihingin pa niya ang payo ni Duterte hinggil sa kanyang plano.
“Hindi ko pa po talaga alam basta sure na tatakbo po tayo kasi nakakapikon na e. Kailangan kong ipaglaban ‘yung mga ang ordinaryong tao,” ayon pa kay Uson.
Sinabi ni Uson na nagpunta siya sa Senado para kapanayamin si Sen. JV Ejercito at makipagpulong kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
“Magtatanong lang, consult-consult,” sabi pa ni Uson kaugnay ng pakikipagpulong kay Sotto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.