B-day wish ni Bong: Sana kumita ang ‘Tres’ nina Jolo, Bryan at Luigi
SA nakaraang mga solo presscon nina Jolo, Bryan at Luigi Revilla ay parating lumalapit sa amin si Andeng Ynares at naglalambing na tulungan ang pelikula nilang “Tres” under Imus Productions.
Ideya raw kasi ito ng kuya niyang Bong Revilla na nasa loob pa rin ng PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City at nais nilang magtagumpay muli ang pagbabalik ng Imus sa pagpo-produce .
Bukod dito ay maganda talaga ang pelikulang “Tres” na pinagbibidahan nga ng mga pamangkin niya, naniniwala siya sa talento ng tatlong Revilla brothers pagdating sa aksyon.
“Magkakaiba naman sila, Reggee, like si Jolo, dati na namang nag-aaksyon ‘yan, tulad ni kuya (Bong), si Bryan mahusay din, revelation siya sa ‘Virgo’ episode. Si Luigi, iba rin ang talent, bukod sa acting, he’s into music. Marunong siyang maggitara at kinukuha na rin siya ng Star Music, abangan mo ang kanta niya,” ani Ms. Andeng.
At nitong Lunes, nagkita kami uli sa entrance ng ELJ Building kasama ang panganay na anak na maysakit pero sumama pa rin sa grand media launch ng “Tres”.
Bulong namin kay Andeng, ang lakas talaga ng dugo ng mga Revilla dahil kamukhang-kamukha niya ang panganay nila ni Antipolo City Mayor Junjun Ynares.
Anyway, bago magtapos ang grand media launch ng “Tres” ay hiningan ng pahayag si Andeng tungkol sa mga pamangkin niya na para sa kanya ay para na rin niyang mga anak.
“I call them The Boys, you know, the three boys of Kuya Bong, para ko na rin silang mga anak. At pinagsasabihan ko sila na, you know, to keep your feet on the ground. Kasi, iyan ang payo ng tatay ko, (Ramon Revilla Sr.).
“Tinanong ko siya, ‘Daddy, ano ang puwedeng i-advise mo sa tatlong batang lalaki? Ano ang secret ba ng pagiging superstar?’ Ang sabi sa akin ng daddy ko is humility. To be humble. At nakikita ko ang qualities na ‘yun sa mga poging pamangkin ko.
“You know, boys, I’m proud of you, give it all your best. Kayang-kaya natin ‘to. And hopefully, this will open doors for you para magkaroon kayo ng mga soap kasi, iyan naman ang dream ng papa niyo sa inyo.
“And ‘yung papa niyo, ang pangarap sa inyo, maging superstar din kayo. Pero kailangan, always feet on the ground. Tama ba yun, boys?” sabi pa ni Andeng.
Muli naming nilapitan si Ms. Andeng at inalam kung ano ang pagkakaiba sa ugali nina Bryan, Jolo at Luigi.
“Actually, lahat sila mababait, malambing, ito (sabay turo kay Bryan), malambing ‘yan hindi lang halata, nakikinig ‘yan. Si Luigi, malambing din, actually pareho nga silang tatlo. Ah, si Jolo makulit, nagmana sa papa niya,” nakangiting sabi ng mabait at magandang tita ng mga bida sa “Tres.”
Samantala, pagkatapos ng media launch ng “Tres” ay nagpuntahan sila agad sa Crame para sa asalto ng ika-52nd birthday ni ex-Sen. Bong nitong Set. 25.
At ang wish ng papa nina Bryan, Jolo at Luigi sa kanila, “Sana kumita ‘yung mga bata.”
Kaya ganito na lang ang lungkot ng mga anak niya dahil kahit nasa loob ng kulungan ang papa Bong nila ay sila pa rin ang unang iniisip nito. Kaya sobrang miss na miss na nilang makasama ang tatay nila sa labas ng kulungan.
Anyway, sa Set. 30, Linggo ang premiere night ng “Tres” at sa Okt. 3 naman ang showing nito nationwide mula sa Imus Productions at ire-release naman ng Cine Screen under Star Cinema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.