Male personality naudlot ang showbiz career dahil sa mga epal na kamag-anak
NAGPAPARAMDAM pala ang isang nagtangka pero hindi nagtagumpay na male personality na magbalik-showbiz. Gusto niyang patunayan uli na meron siyang ikakasa bilang artista kahit pa napakaordinaryo ng kanyang pinagmulan.
Minsan nang nagtangka ang lalaking personalidad, nakuha niya naman ang atensiyon ng publiko, kaya nga lang ay nadiskaril ang inaasam niyang pangarap.
Kuwento ng aming source, “Naku, nagpaparamdam na naman siya ngayon, ayaw talaga niyang sumuko, gusto niyang bumalik. Sabi niya, e, baka raw naman sa ikalawa niyang pagta-try, mangyari na ang gusto niyang kauwian ng career niya.
“Ang unang tanong, nagkaroon ba siya ng career? Ang ganda-ganda na sana ng entrada niya, e, pero naudlot ‘yun dahil sa pakikialam ng mga nakapalibot sa kanya!
“Nakialam agad ang mga ‘yun, pati ang discoverer-manager niya, e, naetsa-puwera, kasi nga, ang dami-dami nang umepal na mga kamag-anak niya.
“Napakaaga pa, pero humihingi na agad ng sasakyan ang mga kamag-anak niya, napakahirap daw kasing bumiyahe papunta sa Manila, lalo na’t bulubundukin pa ang pinanggalingan nila.
“Aysus, may service na nga sila kapag lumuluwas, pinahihiram na nga sila ng sasakyan ng network na umaayuda sa kanila, sariling van agad ang hirit ng mga kamag-anak niya?
“Binitiwan na siya ng tumatayo niyang manager, aanhin mo nga naman ang isang talent na napakaraming amuyong sa paligid? Para silang mga bubuyog na bulong nang bulong sa bagitong talent, kaya ang sabi na lang ng manager na hindi naman nangangailangan ng datung, ‘Mag-sama-sama na lang kayo diyan, exit na ako!’
“So, nadiskaril ang inaasam na kasikatan ng bagitong male personality, pero meron pa ring pangarap ang mga kamag-anak niya! Bumalik daw siya uli, pumasok daw siya sa isang malaking bahay na dumidiskubre ng mga artista, baka raw nandu’n na ang sagot sa mga pangarap niya!
“Naku, no! Kung ganu’n pa rin sila sa dati na pakialam dito pakialam du’n ang ginagawa niya, e, tantanan na ng bagitong ‘yun ang ambisyon niya!
“Mas mabuti pang ituon niya na lang ang panahon niya sa pag-aani ng isang kulay orange na sangkap sa pagluluto ng iba-ibang klaseng ulam!” pagbibigay pa ng clue ng aming source.
Ay, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, pampalinaw pa nga ng mga mata ang produkto niya, di ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.