PH dragonboat team sumagwan ng 2 ginto sa Asian Championships
IPINAMALAS ng Philippine dragonboat squad ang kahandaan sa nalalapit na 18th Asian Games matapos bawiin ang mga gintong medalya men’s division 200m at 500m sa Asian Canoe Confederation 5th Asian Dragon Boat Championships 2018 na pumalaot noong Hulyo 4-8 sa West Er River, Dali City, Yunan Province, China.
Itinala ng mga bataan nina Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation president Jonne Go at national head coach Leonora ‘Len’ Escollante ang mabilis na dalawang minuto at 10.30 segundo sa men’s 10-seater 500m para sa unang ginto bago nito sinagwan ang ikalawang ginto sa 10-seater men’s 200m sa oras na 47.55 segundo.
Tinalo ng Pilipinas ang mahigpit na karibal sa 500m na Thailand na nagsumite ng 2:12.78 para sa pilak at ang Myanmar na may 2:14.12 para sa tanso. Ikaapat ang China sa 2:15.39.
Binigo rin ng Pilipinas sa labanan sa sprint distance na 200m ang Thailand na may 49.80 segundo para sa pilak at ang China na may 51.23 para sa tanso. Ikaapat ang Myanmar sa 51.77.
Ang dalawang gintong medalya ang nagtulak sa Pilipinas para makatabla sa overall medal tally ang Singapore sa torneo na nilahukan din ng Hong Kong, Macau at India.
Nagwagi naman ang Singapore sa women’s 200m at 500m matapos na talunin ang China at India.
Binubuo ang PH paddlers nina Hermie Macaranas, Ojay Fuentes, Jordan de Guia, John Lester delos Santos, Franc Feliciano, Mark Jhon Frias, Oliver Manaig, Roger Kenneth Masbate, Reymart Nevado, Daniel Ortega, Roberto Pantaleon, Jonathan Ruz, John Paul Selencio, Jerome Solis, Patricia Ann Bustamante (drummer/ signal) at Maribeth Caranto (steerperson)
Ikinatuwa ni Escollante ang pagpapakita ng batang koponan na patuloy ang paghahanda para sa susunod nitong sasabakan na 18th Asian Games 2018 sa Jakarta-Palembang, Indonesia sa Agosto 18-Setyembre 2.
Ang Asian Championships na ginanap sa China sa unang pagkakataon ay idinaraos dalawang beses sa isang taon ng Asian Canoe Federation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.