World Dragon Boat Congress gaganapin sa Pinas | Bandera

World Dragon Boat Congress gaganapin sa Pinas

Melvin Sarangay - January 31, 2019 - 08:52 PM

 

SINAGOT ni Philippine Dragon Boat Canoe Kayak president Jonne Go (gitna) ang tanong mula sa sports media sa ginanap na TOPS Forum Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

SA unang pagkakataon magiging Dragon Boat capital ng mundo ang Pilipinas matapos magkaisa ang 134 kasaping bansa ng International Dragon Boat Federation na gawin dito sa bansa ang 2020 World Dragon Boat Congress.

Ang Pilipinas ang unang bansa sa Southeast Asia at pangalawa sa Asya na nakapag-host ng congress na unang ginawa sa Hong Kong noong 1997.

Ito ang sinabi ni Philippine Dragon Boat Canoe Kayak president Jonne Go sa kanyang pagdalo bilang guest sa TOPS (Tabloid Organization of Philippine Sports) Forum kasama si international coach Len Escollante na nagbigay ng update sa sports media tungkol sa kanilang paghahanda para sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa.

“We feel honored ang gratified for the trust and confidence choosing the Philippines as host of the 2020 World Dragon Boat Congress,” sabi ni Go, na isa ring mataas na opisyal ng Asian Dragon Boat Association na pinamumunuan ni Toshiho Narita.

Ayon kay Go darating si Narita mula sa Sapporo, Japan kung saan siya nakatira para dumalo sa nasabing congress na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Sinabi pa ni Go na malayo pa man ang nasabing pagtitipon pinaghahandaan na nila ito para maging maayos at masiyahan ang mga dayuhang delegasyon na karamihan ay bibisita sa Pilipinas sa unang pagkakataon.

“Malayo pa man pinaghahandaan na namin para mapatakbong maayos at hindi tayo mapahiya sa mga foreign delegates sa una natin pag-host sa congress,” dagdag ni Go.

Hindi naman sinabi ni Go, na nagsisilbing auditor ng POC, ang halagang gagastusin para sa nasabing congress.

“Hindi ko pa alam. I will let you know once I get the budget,” sabi ni Go, na nagsilbing chef de mssion sa 2018 World Youth Olympics sa Buenes Aires, Argentina.

Idinagdag pa ni Go na sasali ang mga atleta nito sa mga kumpetisyon sa labas ng bansa upang makapaghanda ng husto para sa 2019 SEA Games.

“Kailangan palabasin at lumaban sa labas para mahasa at lumawak ang karanasan at manalo ng maraming medalya,” ani Go.

Ayon sa kanya, anim na ginto sa dragon boat at anim na ginto sa canoe kayak ang paglalabanan at umaasa si Go na muling magdodomina ang mga Pinoy dito.

Ang dragon boat ay kasama sa 56 sports na isasagawa sa ika-30 edisyon ng 11-bansang biennial meet na aarangkada sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 at katatampukan ng mahigit 10,000 atleta.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending