SEA Games: Cash incentive para sa binyag, diaper at future ni baby
SUBIC, ZAMBALES – KARGA ang bagong silang na sanggol at taimtim na nananalangin sa gilid habang pinanonood ang nobyo sa pabilisan ng pagsagwan, halo-halong emosyon ang nararamdaman ni Irish Pepito.
Ilang daang metro ang layo mula sa kinatatayuan ng kasintahan, tumatakbo sa isip ni Hermie Macaranas habang nasa laot ang munting anghel na bigay ng langit- ang panibagong dahilan ng kanyang pagpupursiging maiuwi na ang gintong medalya sa Southeast Asian Games.
Sa wakas, nawala ang kaba ni Irish at pinutol ni Hermie ang maraming taong paghihintay ng Pilipinas para sa hinahangad na ginto.
Matapos manguna sa 200m men’s canoe singles competition, agad na tumakbo papunta sa kanyang mag-ina si Macaranas. Larawan ng pamilyang puno ng pangarap si Hermie, Irish at anak na si Heallarie Imee nang magyakap-yakap sa lilim ng mga puno ng Malawaan Park sa Subic Bay Freeport Zone.
“Ang laki ng naitulong ni Heallarie,” sabi ni Macaranas na nagbulsa rin ng pilak (canoe 1000m singles at 200m doubles) at tansong medalya (dragonboat 22-seater 500m mixed). “Alam mo ‘yung bawat hagod ko yung sinisigaw ng isip ko, puso ko, buong katawan ko ‘yung pangalan niya.”
Sakto ang unang pantig ng pangalan ng unica hija (heal) para bigyang lakas ang padre de pamilya.
“Kaya ‘yun ang pangalan niya kasi para ma-heal ‘yung pagod ko kasi gusto siyang maging nurse, maging doktora,” kuwento ni Macaranas sa Inquirer Bandera.
Dahil sa gold-silver-bronze finish, tinatayang malaking halaga ang kanyang makukuhang cash incentives na higit na makatutulong para sa kanilang nagsisimulang pamilya.
Kung saan dadalhin ang pabuya, “pang-diaper,” nakangiting sagot ni Macaranas. “Pero pinagpaplanuhan namin kung kelan siya bibinyagan.”
“Para ito sa kanya, para sa kinabukasan niya,” dagdag pa ni Macaranas na nais ding makapagpagawa muna ng bahay bago ikasal.
Base sa Republic Act 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act,” dapat na makatanggap ang mga SEA Games gold medalists ng P300,000 habang P150,000 naman ang mapupunta sa silver medalists. Ang bronze medalists ay may P60,000.
Iba pa ang ibibigay ng Philippine Sports Commission. Hindi pa rin rito kasama ang mga pabuyang iaabot ng mga private organizations, kung meron man.
Sa kabila ng alon ng buhay, hindi tumigil sa pag-abot ng tagumpay sa biennial sports meet ang tahimik ngunit matibay na paddler na minsang nangarap na maging pulis.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon kasi ‘di natin siya malilimutan, siya ang nagbigay ng lahat
at yung mga naging instrumento na ginawa niya para sa amin.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.