37 bata nalason matapos bigyan ng kendi ng mag-asawang Koreano
TINATAYANG 37 bata ang naospital matapos ma-food poison dahil sa pagkain ng kendi sa bayan ng Buguias, Benguet, kahapon ng hapon.
Sinabi ng pulisya na inimbitahan na nila ang mag-asawang Koreanong misyonaryo na sinasabing nagbigay ng mga matatamis sa mga bata.
Namigay sina Lee In Suk, 52, at Tiehua Woom, 55, ng Buguias, ng mga “Strawberry curls” sa 19 na mag-aaral sa elementary at 18 estudyante sa high school sa barangay Natubleng, na nagresulta sa kanilang pagkakasugod sa Atok District Hospital.
Sinabi ng mga bata na nakaranas sila ng pananakit ng tiyan at pagsusuka matapos kainin ang mga kendi na ipinamigay ng mag-asawa malapit sa mga paaralan.
Namigay din ang mga Koreano ng kaparehong kendi sa ibang paaralan habang papunta sa barangay barangay Abatan malapit sa Halsema Highway.
Nakatira ang mag-asawa sa barangay Bangao, tinatayang apat na kilometro ang layo mula sa Buguias town hall.
Sinabi ng mga kapitbahay, madalas na umiikot ang mga Koreano sa palibot ng lugar at nasa lugar na nila simula pa noong 2017.
Isinumite ng dalawang Koreano ang tatlong supot ng kendi at dinala sa laboratory para masuri. Sinabi ng mag-asawang Koreano na nabili nila ang mga kendio sa isang lokal na grocery.
Naghain ang ilang mga magulang ng reklamo laban sa mag-asawang Koreano sa police station sa Abatan.
Hindi naman ikinulong ang dalawang Koreano, bagamat pumirma ng affidavit, para tiyakin na makikipagtulungan sa mga imbestigador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.