MAAGA ka bang matulog at maaga ring magising?
Kung “oo”, mababa ang tyansa na ikaw ay magkaroon ng depression kumpara sa mga palaging puyat at tanghali na kung gumising.
Ayon sa pag-aaral ng mga researcher ng Colorado Boulder at Channing Division Network Medicine sa Brigham and Women’s Hospital sa Estados Unidos, ang mga babae na nasa middle-age at matanda ay may mas mababang tyansa na maging depressed sa buhay.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang 32,470 babaeng nurse na ang average na edad ay 55 kaugnay ng kanilang sleep pattern at pinasagutan ang dalawang questionnaire na ibinigay ng may dalawang taon ang pagitan. Umabot sa apat na taon ang pag-aaral.
Ang lahat ng babae na kasali ay walang depresyon sa simula ng pag-aaral na sumentro sa chronotype—ang natural na preference ng isang indibidwal kung kailan niya nais na matulog at kung kailan mas gising ang kanyang katawan, at mood disorder.
Sinabi ng 37 porsyento ng mga babae na sila ay early chronotypes, 53 porsyento ang intermediate chronotypes at 10 porsyento ang late chronotypes.
Ang mga late chronotypes o night owls ay kalimitan na mag-isa at walang asawa, kalimitang naninigarilyo at pabago-bago ang oras ng pagtulog.
Matapos pag-aralan ang mga datos, lumalabas na mas mababa ng 12-27 porsyento ang tyansa na maging depressed ang mga maagang magising kumpara sa mga intermediate chronotypes.
Mas mataas naman ng anim na porsyento ang tyansa na maging depressed ang mga late chronotypes kumpara sa intermediate chronotypes.
Mayroon ding ‘mild influence’ ang genes sa depresyon at natukoy ito sa mga naunang pag-aaral.
May pag-aaral din sa United Kingdom na nagsasabi na ang pagbago sa natural rhythm ng katawan gaya ng pagtatrabaho ng night shift o madalas na jetlag, ay nakapagpapataas ng mood disorder, pakiramdam na hindi masaya, matinding depresyon, bipolar disorder, at nakapagpapababa rin ng cognitive function gaya ng memorya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.