Palaro record sa hurdles winasak ni Eliza Cuyom
BANTAY, Ilocos Sur — Nabura ang 22-taong Palarong Pambansa record sa secondary girls 100m hurdles dito Martes ng hapon matapos itala ni Eliza Cuyom ng Region IV-A (Calabarzon) ang mabilis na 14.73 segundo sa heat ng naturang athletics event sa Presidente Elpidio Quirino Sports Complex.
Binura ni Cuyom ang itinalang record ni Michelle Parasha ng Western Mindanao na 14.9 segundo sa kanyang ginawa sa General Santos City Palaro noong 1996.
Samantala, dalawang records pa ang nabura sa athletics kahapon.
Nahigitan ni Kasandra Hazel Alcantara ng defending overall champion National Capital Region sa inihagis nitong 11.88 metrong distansiya ang 26-taong secondary girls shot put record ni Maritess Barrios na 11.20 metro na kanyang nagawa noong 1992.
Nagawa din ni Jamela De Asis ng Region VI sa itinala nitong 11.29 metro na mahigitan ang dating record subalit nagkasya lamang ito sa ikalawang puwesto at pilak na medalya kahapon.
Lima katao naman ang nakapagbura sa dating record sa 2,000m walk bagaman napunta kay Francis James San Gabriel ng Region 1 ang bagong pamantayan sa itinalang tiyempo na 9:33.01 minuto.
Nabura ang dating record ni Bryan Oxales ng NCR na 10:11.3 noong isang taon sa Antique.
Lumahok din sa event kahapon si Oxales at nakapagtala ng bagong personal best pero kinapos siya ng 0.13 segundo para sa gintong medalya.
Nagtala naman Mas mabilis din ang oras nina Peter Lachica ng Region XII (9:56.52s), Christian Mondejar ng Region XI (9:56.60s) at John Aaron Arandia ng Region IV-A (9:58.51s).
Humakot naman ng gintong medalya ang Region 12 (Socksargen) sa pambansang sports na arnis sa pamumuno ng 12-anyos na si Princes Sheryl Valdez.
Isa-isang tinipon ng Grade 7 mula Tacorong City, South Cotabato na si Valdez ang gintong medalya matapos na magwagi sa elementary girls anyo individual event single weapon (29.10 puntos), double weapon (28.90 puntos), at single espada y daga (29.10 puntos) para sa tatlo ginto.
Hindi pa nagtatagal ay iniuwi nito ang ikaapat na ginto matapos makipagpareha kina Stephanie Mones at Maria Veronica Ilagan sa anyo team event synchronized (29.00 puntos). —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.