Labintatlo katao ang napatay at 109 ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon kontra iligal na droga at baril sa Bulacan, nito lang Miyerkules.
Napatay si Limwell Vernales alyas “one fourth” sa Bocaue; alyas “Joey” at alyas “Joel” sa Bulakan; Emmanuel Manicad sa Malolos City; alyas “Pakyaw” sa Plaridel; alyas “Jay-one” sa Pulilan; alyas Ode, alyas “Elmer,” alyas “Pakdon,” at alyas “Aye” sa San Jose del Monte City; alyas “France Cortez” sa San Rafael; Mario Alegre sa Baliuag; at isang di pa kilalang suspek sa Santa Maria, sabi ni Senior Supt. Romeo Caramat, direktor ng Bulacan provincial police.
Isinagawa ang mga operasyon mula alas-12 ng madaling-araw hanggang alas-11:59 ng gabi, Miyerkules, sa 23 bayan ng lalawigan, aniya.
Limampu’t pito sa mga operasyon ay buy-bust, 11 ang pagsisilbi ng warrant of arrest, dalawa ang raid, isa ang checkpoint, at tatlo ay responde.
Nasamsam sa mga suspek ang kabuuang 305 sachet na may aabot sa 101.2803 gramo ng hinihinalang shabu, 59 sachet na may 670.745 gramo ng marijuana, at iba pang drug paraphernalia.
Nakuhaan din sila ng 18 sari-saring baril at 18 bala, ani Caramat.
Hinahandaan na ng kaukulang kaso ang mga naaresto, aniya.
Ang mga operasyon ay bahagi ng kampanya kontra droga na “Double Barrel Reloaded,” at kampanya laban sa iba pang uri ng krimen, ani Caramat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending