Ginebra winalis ang Rain or Shine; semis duel ikinasa kontra San Miguel
HINDI pinaporma ng Barangay Ginebra ang Rain or Shine, 99-91, sa game 2 upang walisin ang kanilang best-of-three quarterfinals series at umabante sa semifinals ng 2018 PBA Philippine Cup Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inareglo ng Gin Kings ang kapana-panabik na salpukan kontra sa topseed at three-time All-Filipino Cup champions San Miguel Beermen para sa best-of-seven semis wars.
Nagposte si Japeth Aguilar ng 27 puntos, 12 rebounds at tatlong blocks upang muling bitbitin ang Ginebra at punan ang pagka-sideline ni bigman Greg Slaughter dahil sa injury.
Isinalpak ni Aguilar ang sideline jumper sa huling 55.3 segundo ng laban para ilayo ang Ginebra, 96-89, na tuluyang nagpatalsik sa Elasto Painters sa kumpetisyon.
Naghulog si Jervy Cruz ng 18 puntos habang naglagak ng 17 puntos si La Tenorio at may tig-10 puntos sina Sol Mercado at Joe Devance para sa Ginebra.
Nagtala si Maverick Ahanmisi ng 18 puntos para pangunahan ang Rain or Shine habang nagdagdag ng tig-14 puntos sina Ed Daquioag at Raymond Almazan subalit kinapos pa rin ang Painters na naramdaman ang hindi paglalaro nina James Yap at Chris Tiu dahil rin sa injury.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.