NASAAN ang Diyos? Nakita mo ba ang Diyos sa Maguindanao? O, likas ngang walang Diyos?
Sa tuwing namamayani ang kasamaan sa kabutihan, sa tuwing iginugupo ng simbilis ng kidlat ang kabutihan ng kasamaan, sa tuwing tinatakasan ng katinuan ang dapat sana’y nakaaalam (Hitler, Stalin, Lenin, Mao, Melosevic, Sadam, Ampatuan, atbp.), sumasagi sa isipan at itinatanong ng damdamin na wala talagang kapangyarihan ang Diyos.
O, may puwang ba ang kabutihan sa Maguindanao? Dumaan ang napakahabang panahon simula nang manungkulan ang mga Ampatuan, nasaan ang kabutihan? May kabutihan pa sa paligid at mga may kapangyarihan na kahit di sinasaktan ang taumbayan ay pinanatili naman silang mangmang at mahihirap? May kabutihan bang manatili silang nabubuhay ng payak na may takot sa tao at hindi sa Diyos?
Kung may kapangyarihan nga ang Diyos, sana’y binura na niya ang kasamaan, ang demonyo. May kapangyarihan nga ba ang Diyos? Hindi nabura ang kasamaan. Hindi Niya binura ang kasamaan. Nariyan pa rin ang demonyo, na pinagtibay pa ng iba’t ibang pananaw sa mga Banal na Aklat. Kailangan ba ang demonyo para may maihaluntulad sa Diyos?
Kung ang Diyos nga ay nasa panig ng kabutihan, hindi niya papayagan na mamayani ang kasamaan. Gagawa Siya ng paraan para huwag itong makahakbang at mauna sa landas ng kabutihan. Kay sarap namnamin ng mga aral na ito: ang Diyos ay nasa panig ng kabutihan. Siya nga ba?
Puwedeng hindi kaya ng Diyos na burahin ang kasamaan? Nagdududa na ang nasa panig ng kabutihan. Mali ba sila? O may katuwiran at basehan sila para magduda? Duda ka rin ba?
O pinapayagan ng Diyos na mamasyal ang kasamaan, manatili ang demonyo, at di sila pigilan kahit sumupungin sila ng kabaliwan at maghasik ng lagim na pupunit sa damdamin at katinuan?
Kung gayon, hindi nga makapangyarihan ang Diyos, o di panig ang Diyos sa kabutihan?
Hanggang ngayon, hinahanap pa rin ng taga-Maguindanao ang mga kasagutan sa mga tanong. Hinahanap pa rin ng mga mahal sa buhay ng mga biktima ang sagot sa tanong na:
Bakit?
Nasaan ang Diyos?
BANDERA Editorial, 121409
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.