Gavina papalitan ni Dandan bilang head coach ng Kia Picanto
BAGONG taon ay may bagong susundin na coach ang mga manlalaro ng Kia Picanto.
Ito ay matapos na magbitiw sa kanyang trabaho si Chris Gavina bilang coach ng Picanto Sabado ng umaga upang dagdagan ang lumalawak na serye ng mga kontrobersiya na lumilitaw sa prangkisa sa pagbubukas ng ika-43 season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Kinumpirma naman ni team manager Joe Lipa ang pagbibitiw ni Gavina sa website na SPIN.ph.
Papalitan ng assistant coach nito na si Ricky Dandan si Gavina bilang bagong head coach ng
Picanto. Si Gavina ay magkokonsentra naman sa produksiyon at marketing ng kanyang IMPAKT power drink.
“I admire coach Chris both as a coach and person. He really acted professionally during the time he was here with the team,” sabi ni Lipa.
Nagsagawa pa si Gavina ng kanyang huling praktis sa Picanto Sabado at pagkatapos ay opisyal nitong inihayag sa harap mismo ng mga manlalaro ang kayang pagbibitiw sa puwesto.
Opisyal na ookupahan ni Dandan ang puwesto bilang bagong head coach sa pagbabalik ensayo ng ballclub sa Enero 2, 2018.
Naganap ang matinding pagbabago sa koponan ilang araw matapos mangyari ang pag-uusap sa pagbili ng Phoenix sa parte ng Columbia Autocar Corporation, na siyang nagmamay-ari sa prangkisa sa PBA.
Una nang gumawa ng ingay ang Kia sa pagbenta nito sa karapatan sa top rookie draft pick na si Christian Standhardinger para makuha sina Jay-R Reyes, Ronald Tubid, Rashawn McCarthy at isang first round pick.
Agad naman nabigo ang Picanto sa kanilang unang dalawang laro sa ginaganap na 2017-18 Philippine Cup na ika-14 nitong sunod sapul pa noong nakaraang taon kabilang ang walang panalo na kampanya (0-11) sa Governors’ Cup.
Tanging nagawa ni Gavina na maitulak ang isa sa dating expansion franchise sa playoffs sa unang pagkakataon noong 2016 Governors’ Cup kung saan nabigo naman ito sa Meralco Bolts sa quarterfinals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.