Columbian Dyip ipaparada ang bagong import vs Alaska Aces
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Alaska vs Columbian Dyip
7 p.m. Meralco vs NLEX
Team Standings: Rain or Shine (3-0); TNT KaTropa (2-0); Columbian Dyip (2-1); Globalport (2-1); Phoenix (1-1); Meralco (1-1); Alaska (1-1); Barangay Ginebra (0-1); NLEX (0-2); Blackwater (0-4); San Miguel (x-x); Magnolia (x-x)
IPAPARADA ngayon ng Columbian Dyip (dating Kia Picanto) ang bagong import na si John Bailey Fields III sa pagharap nito sa Alaska Aces sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
Sa ikalawang laro ay magsasagupa naman ang wala pang panalong NLEX Road Warriors at Meralco Bolts.
Nakatuhog ng dalawang panalo ang Dyip sa unang tatlong laro nito sa torneo kasama ang orihinal na import na si CJ Aiken.
Bagaman maganda ang ipinakita ni Aiken lalo na sa rebounding department ay hindi kontento si Dyip coach Ricky Dandan na nais magkaroon ng import na agresibo sa opensa.
Idinahilan ng pamunuan ng Dyip na may ‘family issue’ na dapat harapin si Aiken kaya ito umuwi.
Dumating na sa bansa ang 30-anyos na si Fields at nasukat bilang 6-foot-8 1/8 inches sa PBA office noong Miyerkules. Kakatapos lamang nito maglaro para sa Aries Trikalla Basketball Club sa Greece kung saan nagtala ito ng average na 10.9 puntos at 8.1 rebound.
Makakatapat ni Fields ang masipag na si Antonio Campbell na gumawa ng 23 puntos at 19 rebounds sa 93-74 panalo ng Alaska kontra Blackwater Elite noong Linggo.
Sasandalan din ni Alaska coach Alex Compton ang mga local player nito sa pangunguna nina Vic Manuel, Calvin Abueva, Noy Baclao, Jayvee Casio at Sonny Thoss.
Tatapatan naman ito ni Dandan na mayroong Rashawn McCarthy, Jerramy King, Reden Celda at Jackson Corpuz.
Sa main game ay puntirya ng NLEX na mapatid ang two-game losing streak at makabawi sa masaklap na kontrobersiyal na 97-98 pagkatalo kontra Rain or Shine.
“It’s another one of those games where the refs robbed you of a victory,” sabi ni Guiao pagkatapos ng laro kung saan tinukoy nito ang tatlong insidente sa endgame na hindi natawagan ng tama ng mga referee.
Inireklamo ni Guiao ang hindi pagtawag ng mga referee sa isang goaltending ni Gabe Norwood at ang foul na ipinito kay NLEX import Arnett Moultrie kontra Rain or Shine import Reginald Johnson.
Pinakahuling ikinadismaya ni Guiao ang posibleng foul ni Chris Tiu sa paatake na si Juami Tiongson na hindi rin itinawag ng mga referee.
“That obviously cost us the game,” sabi ni Guiao. “So (those are) three calls that I think killed us.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.